Patay ang isang taong gulang na bata sa Caloocan City sa kamay ng kanyang tiyahin matapos siyang balutin ng tape at isilid ng ilang oras sa loob ng cabinet.
Dahilan ng tiyahin na umaming lango sa droga, wala raw tigil sa pag-iyak ang bata.
Sa ulat ni Saleema Refran sa "24 Oras," ini-report ng lola ni Brian Jay San Agustin o Pao-Pao nitong Martes na nawawala ang bata. May natanggap din siyang text na humingi ng P3,000 kapalit ni Pao-Pao.
Hatinggabi na nang matagpuan ang bata na walang buhay sa kanal sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa SOCO, lima hanggang anim na oras nang patay ang bata nang madiskubre.
Umamin naman ang suspek na si Maria Ruth Mariano sa kaniyang krimen. "Nakagamit po kasi ako ng droga kaya ko nagawa 'yun," aniya.
Nainis daw si Mariano kay Pao-Pao dahil sa walang tigil na kaiiyak.
"Maliligo na po kasi ako. Wala pong naiwan dun sa bata na nasa kuna. Sa sobrang inis ko po, kinuha ko, binalutan ko ng tape at damit saka ko po tinago sa cabinet. Pagdating po ng hatinggabi saka ko na po nilabas," ani Mariano.
Hindi naman maipaliwanag ang pighati at galit ng nanay ni Pao-pao.
"Walang laban 'yung anak ko, papatayin niya? Hindi. Hindi rason para gawin niya sa anak ko 'yun. Natural bata iiyak. Umiiyak naman 'yung anak niya eh. Sana hindi na lang niya ginawa 'yun,"
Pinagsisisihan na raw ni Mariano ang kanyang nagawa.
"Alam ko po na hindi sapat yung paghingi ng tawad dahil buhay po 'yung kinuha ko sa kanila. Hindi ko na po maibabalik 'yun. Hindi na po ako humihingi ng tawad. Humihingi ako ng tulong na makapagbago po ako. Gusto ko pong magsimula ulit para sa dalawa kong anak. Ayoko kasing lumaki 'yung mga anak ko na walang ina," aniya.
Mensahe ni Maria Ruth sa kanyang pamangkin.
"Pao-pao si tita 'to. Sorry sa nagawa ko sa'yo. Hindi ko 'yun sinasadya. Sabi ko ba't ko nagawa 'yun sa'yo. Sana bigyan mo ako ng pagkakataong makapagbago," aniya.
Reklamong murder ang kinakaharap ni Mariano.
Para sa PNP, maging aral sana sa mga pamilya ang nangyari sa batang si Pao-pao sa epekto ng ilegal na droga.
"Kung meron tayong nasa pamilya o kaanak na lulong sa droga tulungan natin sa pamamagitan ng pagsurrender, sa pamamagitan ng voluntary rehab," pahayag ni Senior Supt. Chito Bersaluna, chief of police ng Caloocan. —Jamil Santos/JST, GMA News