May mga saksak sa katawan at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan ang bangkay ng isang 21-anyos na babae sa inuupahan nitong apartment sa Caloocan City. Ang aso sa loob ng bahay, nakitang may busal sa nguso.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Katrina Abalos, ng 2nd Avenue sa barangay 38 ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay Rachelle Madali, kapatid ng live-in partner ng biktima at kasamang naninirahan sa apartment, patay ang ilaw sa bahay at nakabukas ang pinto nang dumating siya ng bahay nitong Linggo ng gabi.

Napansin daw ni Madali ang nakadapang katawan ng biktima at ginigising pero hindi niya kaagad nalaman na may saksak na ito dahil sa walang ilaw.

Nang humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay at nagdala ng ilaw, doon na nakita ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima.

Kapansin-pansin din ang busal  sa nguso ng alagang aso ng biktima.

Sa impormasyong nakuha ng kagawad ng barangay mula sa isa sa mga tenant ng apartment, sinabing may narinig na pagsigaw sa bahay ng biktima dakong 3:00 p.m.

"Sumisigaw nga raw itong biktima. Siguro dahil nga parang natural na sa kanila yung pagsigaw ng biktima hindi nila pinansin. Pero nung bandang huli daw nakarinig na lang sila ng ungol at parang pukpok ng martilyo," ayon kay kagawad na si Roel Recio.

Ang live-in partner ng biktima na si Michael Madali, nagpunta raw sa Ilocos noong Biyernes ng umaga at hindi pa raw bumabalik, ayon sa kaniyang kapatid.

Bago umano umalis si Michael, sinabi ng kapatid nito na si Rachelle, na nagkaroon ng pagtatalo ang kaniyang kuya at ang biktima.

"Natutulog lang po kasi ako tapos nagising lang ako nag-aaway na sila ganun. Tapos kinaumagahan umalis po yung kuya ko," ayon kay Rachelle.

Ayon sa mga pulis, hindi nila nakita sa loob ng bahay ang patalim na ginamit sa krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ/KVD, GMA News