Magsasagawa rin ng imbestigasyon sa Senado si Senador Ronald "Bato" dela Rosa tungkol sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasama sa kaniyang mga iimbitahan.
Inihayag ito ni Dela Rosa nitong Miyerkoles, makaraang sabihin ng kaniyang kaalyado na si Senador Bong Go, na handa itong maghain ng resolusyon para magsagawa ng parallel investigation ang Senado sa isinasagawang imbestigasyon ng Quad Committee sa Kamara de Representantes.
"Definite na 'yan during the break," sabi ni Dela Rosa sa panayam ng mga mamamahayag sa telepono.
"Motu proprio muna habang di pa na-refer sa akin 'yung [resolution] ni Senator Bong Go," dagdag ng senador na chairperson ng Senate committee on public order and dangerous drugs.
Nang tanungin kung iimbitahan niya si Duterte, sinabi ni Dela Rosa na, "Ipapatawag natin at kung sinu-sino pang Cabinet member niya noon na pwede nating magiging resource person."
Tiwala si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police sa administrasyong Duterte, na dadalo ang dating pangulo sa isasagawa niyang imbestigasyon.
"Wala pa [hindi pa naipapaalam kay Duterte], pero malaking posibilidad na mag-attend siya kung kami mag-imbita. Mukhang mas komportable siya dito sa Senado kesa Lower House," sabi ni Dela Rosa. "I don't think na hindi siya mag-attend kung ako ang mag-imbita.
Nitong nakaraang linggo, isiniwalat ni dating police Colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma, sa pagdinig ng QuadComm, na iniutos ni Duterte noong maupo ito bilang presidente na ipatupad ang "Davao model" ng war on drugs sa buong bansa na mayroong reward system sa mga mapapatay na drug personality.
Ayon kay Garma, umaabot ng P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa mga makakapatay ng mga drug suspect.
Itinanggi ni Go, dating executive assistant ni Duterte, ang mga pahayag ni Garma.
Itinanggi rin ni Dela Rosa na may "reward system" noong siya ang nakaupong hepe ng PNP.
Samantala, duda si Manila Representative Benny Abante, pinuno ng House human rights panel na kasama sa QuadComm, kung magiging patas ang imbestigasyon ng komite ni Dela Rosa sa war on drugs dahil sa pagiging dating hepe niya ng PNP.
“Hindi [siya] magiging fair. He became the [chief] of the Philippine National Police during the time of the former president. So, I would think that he would be more biased than actually balanced in that hearing,” anang kongresista.
“I really do not know if most of the senators would agree to it. That’s just a word of one senator. We still have to wait until that time,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Abante na hindi imposibleng imbitahan ng Quad Committee si Duterte.
“Definitely, we’re going to invite the former President. I [just] don't know when. For me, if we're going to invite the former president, we won’t invite too many resource persons so he could, he is able to freely say his piece,” ani Abante.
“Mahirap naman kung marami iyong iimbitahan namin at maghihintay siya nang matagal," dagdag niya.
—mula sa ulat ni Hana Bordey/Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News