Hindi inakala ng isang lalaki na mula sa Davao del Sur na ang paglaki ng maselang bahagi ng kaniyang katawan na tinurukan ng petroleum jelly ang magiging dahilan para iwanan siya ng tatlong babae na kaniyang minamal.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni "Jimmy," 'di niya tunay na pangalan, na dati siyang may kinakasamang babae, at nagkaroon sila ng mga anak.

Pero nang minsang madestino siya sa Bataan ng ilang buwan, nagbago ang pagtingin sa kaniya ng kaniyang kinakasama nang muli siyang umuwi.

Idinadaing na raw ng babae na masakit kapag nagsisiping sila. Dito na kasi lumaki ang kaniyang ari nang makilala niya sa Bataan si "Alyas Tagalog," nagturok ng petroleum jelly sa ari niya nang hindi niya nalalaman.

Ayon kay Jimmy, nag-iinuman daw sila ni Tagalog, kasama ang tatlong iba pa nang hikayatin siya na maglagay ng petroleum jelly sa ari.

"Sabi niya marami na siyang naturukan dahil doktor daw siya sa ganun na bagay," saad ni Jimmy.

Pero hindi raw siya pumayag dahil kontento na siya sa sukat ng kaniyang ari.

"Kontento na sana ako sa ari ko, tama naman ang laki saka haba. Satisfied naman ang misis ko noon. Hindi ko pinangarap na lumaki pa," patuloy niya.

Ngunit ang hindi niya alam, pumayag daw na magpaturok ng petroleum jelly ang tatlo niyang kasama.

At nang makatulog o mawalan siya ng malay dahil sa kalasingan, tinuturukan umano ng petroleum jelly ang kaniyang ari nang 'di niya nalalaman.

"Paggising ko namamaga na. Wala na akong laban dahil wala na rin akong malay. Lasing na lasing na ako," sabi ni Jimmy.

Kaya nang umuwi siya noon sa kaniyang kinakasama, hindi na naging masaya ang babae at idinadaing na nasasaktan ito kapag magsisiping sila. Naging madalas na ang kanilang pag-aaway hanggang sa mauwi na sa hiwalayan.

Hanggang sa nagpasya si Jimmy na bumalik na lang sa Bataan at nahulog naman ang loob niya kay "Faye," hindi niya tunay na pangalan.

Pero nang magsiping sila, inireklamo rin umano ng babae ang malaki niyang ari hanggang sa maghiwalay din sila.

At nitong nakaraang taon, nakilala naman ni Jimmy si "Gretchen," hindi rin niya tunay na pangalan, ganoon din ang nangyari nang una silang magsiping.

Ngayon, bukod sa may nararamdaman na siyang masakit sa kaniyang ari, nangangamba si Jimmy na ayawan din siya ng pinakabagong babae na kaniyang nagugustuhan.

Nakilala raw niya ang babae sa social media at plano nilang magkita sa darating na Disyembre.

Dahil kapos sa pinansiyal at nagpapadala siya ng pera sa kaniyang mga anak, walang sapat na panggastos si Jimmy para magpatingin sa doktor o ipaayos ang kaniyang ari.

Kaya naman dumulog siya sa programa ng "KMJS," sa hangarin na matulungan sana siya sa kaniyang problema.

Gaano kaya kalala ang problema sa ari ni Jimmy at may pag-asa pa kayang maisaayos ito? Totoo nga ba na ang malaki niyang ari ang sadyang dahilan kaya siya iniiwan ng mga babae o may iba pang dahilan? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News