Dahil sa hirap ng buhay at mahal na bigas, napipilitan na ang mga hikahos sa buhay na patusin ang ibinebentang bigas na P30 per kilo na may nakalagay na "dog food."
Sa special report ni Darlene Cay, nakilala niya sa Catmon, Malabon si Mylene Canoy, 53-anyos, na pag-uuling ang ikinabubuhay.
Ayon kay Canoy, hindi sapat ang kanilang kinikita na mag-asawa para sa pagkain nila ng kaniyang mga anak, at mayroon din silang apo.
Katunayan, kung kumita man siya ng P50 sa isang araw, hindi pa rin ito sapat para makabili ng isang kilo ng bigas na magandang klase. Kung minsan, may araw na hindi sila nakakakain sa tatlong beses sa isang araw.
Para may panglaman ng sikmura, binibili niya ang pinakamurang bigas na kaniyang makikita. Katulad ng tinda ni Melba Sacayanan, na P30 per kilo pero itinuring dog food o pagkain para sa hayop.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority, taong 2013 nang huling umabot sa P30 per ang presyo ng regular milled rice. Ngayon, umaabot na sa P50 per kilo pataas ang magandang klase ng bigas.
Kaya naman naglabas ng kautusan noong nakaraang buwan ang pamahalaan upang maglagay ng price cieling na P41 per kilo para sa regular-milled rice at P45 per kilo para sa well-milled rice.
Kung ikukumpara sa karaniwang bigas, may maitim at manilaw-nilaw na kulay ang butil ng bigas na P30 per kilo na "dog food." Durog din ang butil nito at may nakahalo rin na maiitim na maliit na bagay na tila bato.
Pero para sa katulad ni Canoy na kapos ang kita ngayon, puwede na sa kanila ang bigas na itinuturing para sa hayop.
Matapos makabili si Canoy ng mumurahing bigas na isang kilo at kalahati, wala nang natira sa kaniya para bumili ng ulam. Kaya naman inutang na lang niya ang ilang piraso ng tilapia.
Ayon kay Canoy, apat na beses niyang hinuhugasan ang bigas para mawala ang "amoy."
Ang senior citizen naman na si Lolita Mabborang na umaasa lang sa P5,000 pension kada buwan, hirap din makakita ng murang bigas para sa kanilang mag-asawa.
"Yung P41 [per kilo] kung kagaya namin na walang mabili na masarap na ulam, hindi mo rin makakain yung kulay [na] kasi ma-brown. 'Yung P45 [per kilo] naman, durog," puna niya.
"Para naman yung mahihirap lalong naghihrap kasi hindi mo rin naman makakain yung bibilhin mo, lalo na kung wala kang ibili ng ulam na masarap," dagdag niya.
Ayon kay Sacayanan na nagtitinda ng bigas na "dog food," dating umaabot sa P33 ang bawat kilo nito. Dati raw na talagang para sa hayop na lang ang bumibili nito.
Pero ngayon, hirap siyang tawagin na pang-aso o para sa hayop ang naturang bigas dahil nakakainsulto sa mga tao na iyon na lang ang kayang bilhin.
Para naman kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, nakalulungkot umano na napipilitan ang mga maralitang mamimili na bilhin ang naturang klase ng bigas dahil sa napakataas na ang presyo ng magandang klase ng bigas.
Aniya, ang mga ibinebentang bigas na itinuturing para sa hayop ay mga bigas na lumang stock o nabaha. Hindi na kaaya-ayaya ang hitsura, may mga bato, at maging dumi ng insekto na patunay umano na hindi para kainin ng tao.
Maliban naman sa ginagawang mga hakbang ng pamahalaan para mapababa ang presyo ng bigas sa bansa, iimbestigahan din ng Department of Agriculture ang mga bigas na ibinebenta na pang-hayop.-- FRJ, GMA Integrated News