Nasawi ang isang motorcycle rider na lasing umano matapos siyang dumiretso at sumalpok sa center island sa Cebu City.

Sa ulat ni Cecille Quibod-Castro ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapapanood ang kuha ng CCTV camera ang pagharurot ng dalawang motorsiklo sa Barangay Tisa.

Ilang saglit pa, dumiretso at bumangga ang isa sa kanila sa center island. Sa lakas ng pagbangga, nasira umano ang suot na helmet ng rider na kaagad na binawian ng buhay.

Lumabas sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police na matulin ang pagpapatakbo ng motor, at lasing din umano ang rider.

Sinabi naman ng kaibigan ng rider na nanggaling sila sa inuman ngunit hindi raw lasing ang biktima.

Hindi nagbigay ng pahayag ang kaanak ng namatay na rider.--Jamil Santos/FRJ, Integrated News