Matapos na ma-stranded ng ilang araw sa Sorsogon dahil sa bagyong "Kristine," maantala ng limang oras ang flight, at apat na oras na naipit sa traffic, nakauwi na rin sa piling ng kaniyang pamilya ang bokalista ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda.

Nitong Biyernes ng madaling araw, nag-post ng larawan si Chito sa social media habang katabi ang natutulog na anak.

Sa caption, ikinuwento ni Chito na matapos silang ma-stranded ng banda ng ilang araw sa Sorsogon," nakasakay sila ng eroplano pauwi na sana ng Maynila.

Pero nabigo umano ang piloto na malapag sa airport ng Manila dahil sa sama ng panahon kaya napilitan itong mag-landing muna sa Kalibo, Aklan.

Ang 45 na minuto lang sanang biyahe sa eroplano, inabot ng limang oras dahil kinailangan muna nilang maghintay na mapayagang makapag-landing sa Maynila.

Nang makalapag na sa Maynila, nababad naman sila sa traffic ng apat na oras sa SLEX dahil sa baha.

Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat si Chito dahil "sa wakas, [nasa] bahay na ko.”

Sa nauna niyang post sa Instagram, ibinahagi ni Chito na okey lang na na-divert ang eroplano nila sa Kalibo, "basta safe.”

“Mabuti na lang light lang yung mood dito sa flight namin and everyone is still in a good mood,” pagbahagi niya.

Sa kaniyang pag-uwi, saad ng singer, “Thank You, Lord, for keeping us safe and healthy, and for bringing us back home safely to our families. You Da Best.”

Nagpasalamat din si Chito sa pamilya na nag-asikaso sa kanila sa Sorsogon nang ma-stranded.

Ganoon din sa captain at flight crew ng eroplano na iningatan at inasikaso silang mga pasahero.

Hindi rin kinalimutang pasalamatan ni Chito ang nagpagamit sa kaniya ng powerbank para ma-update ang kaniyang asawa na si Neri Naig sa kanilang biyahe.

Ganoon din sa kaniyang mga kabanda at sa mga manood sa kanilang gig sa Sorsogon.

“Salamat din sa mga nanood sa gig namin nung Monday kahit bumabagyo...sana safe and healthy kayo lahat,” mensahe ni Chito. “Sobrang saya ko talaga na nasa bahay na ko kasama ng pamilya ko. Goodnight.”

 

 

Apat na araw na na-stranded ang Parokya ni Edgar sa Sorsogon matapos magtanghal para sa Kasanggayahan Festival noong October 21 kasama ang OPM artists na sina Flow G at Skusta Klee.

 

 

Kabilang din sa mga na-stranded sa Sorsogon si Dominic Roque, na kasama ang mga kaibigang rider.-- FRJ, GMA Integrated News