Ipinasilip sa unang pagkakataon ang teaser ng inaabangang drama fantasy series na “Encantadia Chronicles: Sang'gre,” na pagbibidahan nina Faith Da Silva, Kelvin Miranda, Angel Guardian at Bianca Umali.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing mainit na sinalubong ng Encantadiks ang apat na gaganap na Sang’gre sa 2023 Manila Pop Culture Convention.

Kaya naman in-character na humarap sa fans sina Faith, Kelvin, Angel at Bianca bilang sina Flamarra, Adamus, Deia at Terra.

Ayon sa mga bida, kinilabutan sila sa paunang pasilip sa “Sang’gre.”

“Kahapon pa namin pinag-uusapan. ‘Yun ‘yung inaabangan namin kasi ang tagal din naming ‘yung shinoot (shoot). This is the first time na makikita namin ‘yung sarili namin in character,” sabi ni Bianca.

''I felt very emotional noong napanood ko talaga ‘yung clip. Kasi ang tagal na namin siyang binubuo. To see it with my own eyes na ito na talaga ‘yun, visually wala akong masabi. ‘Yung effects talaga ‘yun ‘yung inaantay ko eh kasi siyempre napanood naman natin ang Voltes V. At saka ‘yung standards talagang itinataas ng itinataas ni Direk Mark (Reyes),” sabi ni Faith.

Todo na ang training ng cast sa paghahanda sa biggest Kapuso fantasy series.

“Nagwo-workout ako sa bahay. Also nagmu-Muay Thai ako ngayon para lang din siyempre para lang din masanay sa mga movement. Para kapag talagang nag-training na kami for Sang’gre, hindi na ako nangangapa,” sabi ni Angel.

“Combat sports and siyempre, inaaral ko rin ‘yung Enchant words. Medyo mahirap siyang i-pronounce kapag hindi ka sanay, so kailangang sanayin, gamayin mo talaga ‘yung dila na sinasabi mo siya, para kapag sinabi mo siya is madulas,” sabi ni Kelvin.

Mapapanood ang full teaser ng ''Encantadia Chronicles: Sang’gre'' sa ''All-Out Sundays'' nitong Linggo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News