Inihayag ni David Licauco na binago ng historical action-drama series na "Pulang Araw" ang kaniyang pananaw tungkol sa buhay at maging sa acting, na mas minahal niya pa lalo ngayon.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, binalikan ni Tito Boy ang nakaraang usapan nila ni David noon kung saan sinabi ng actor na ang acting ay "complimentary" sa kaniyang mga negosyo at "I'm just happy doing it" ang tingin niya rito.
Gayunman, pinuri ni Tito Boy si David dahil tila "nasa puso" na nito ngayon ang acting.
"Actually Tito Boy, I would say na 'Pulang Araw' really changed my perspective with siguro my life din. 'Yung acting, feeling ko this is something na I can do for a long time kaya ginagalingan ko talaga," sabi niya.
"Nag-iba 'yung perspective talaga kasi dati business..." pagpapatuloy ni David.
Inilahad pa ni David na gusto niyang manalo ng award, kaya niya ginagalingan ang pag-arte sa Pulang Araw.
"Before Pulang Araw kasi, nagkaroon ako ng goal na gusto kong, siguro, hopefully manalo ng award," saad niya.
Sa naturang series, gumaganap si David bilang si Hiroshi Tanaka, isang binatang bumalik sa Pilipinas matapos mag-aral ng ilang taon sa Japan.
Kamuntikang magkrus ang landas nila ng mga kaibigan niya mula pagkabata na sina Adelina (Barbie Forteza) at Eduardo (Alden Richards).
Ibinahagi ni David kung paano niya pinaghandaan ang kaniyang role, gaya ng pag-aaral ng Japanese language.
"Everyday kailangan ko siyang i-memorize. Actually hindi lang siya one night para i-memorize, it takes me two days, three days para ma-memorize ang Japanese lines. On top of that 'yung acting pa," sabi niya.
"Siguro aral lang din talaga, aral ako nang aral ng acting, maraming trial and error," dagdag ni David.
Kasama ni David na mag-guest sa programa ang mga kapwa niya Hapon ang karakter sa series, tulad nina Jacky Woo, na gumaganap bilang ang kaniyang amang si Chikara Tanaka; si Jay Ortega, na gumaganap bilang isang sundalo ng Imperial Japanese Army na si Akio Watanabe; at Ryo Nagatsuka, na isang Hapong imigrante sa bansa.
Napanonood ang Pulang Araw sa GMA Prime ng 8 p.m. at streaming din sa Netflix.-- FRJ, GMA Integrated News