Matapos ang halos isang taon na pagkakadetine dahil sa reklamong estafa, nakalabas na si Ricardo Cepeda at muling nakapiling ang asawa na si Marina Benipayo.

Sa Instagram, ibinahagi ni Marina ang video na kasama si Ricardo habang yumasayaw sa tugtog na "Don't Be Cruel" ni Elvis Presley.

Saad ng aktres sa naturang post, "He's finally going home."

"God is Good! Thank you, everyone for your prayers," sabi pa ni Marina sa caption.

Sa comment section, ilang celebrities gaya nina Heart Evangelista at Kylie Padilla ang pagbati sa mag-asawa.

"God bless you both," saad ni Heart.

"So happy for you," komento naman ni Kylie.

 

Sa ulat ng PEP.ph, sinabing nakalaya si Ricardo matapos pumayag ang korte na maglagad siya ng piyansa.

Sa Cagayan Provincial Jail, Tuguegarao City sa Cagayan umano idinetine ang aktor.

Oktubre 2023 nang arestuhin ng mga pulis si Ricardo sa Caloocan dahil sa reklamong syndicated estafa na inihain laban sa isang kompanya na umano'y konektado siya.

Pero paliwanag ng aktor, modelo o endorser lang siya ng naturang kompanya.

"I was shocked because I didn't, I wasn't aware na umabot sa may warrants ako. I had heard na may mga scam daw but 'di ko alam na sinama nila ako," paliwanag ni Ricardo sa mga naunang panayam sa kaniya.

"I am not connected at all sa company. Even sa business registration, my name is not there," dagdag niya. "Wala ako sa running business, anything of the company. Ano, model lang ako about the products." —FRJ, GMA Integrated News