Sa episode ng  “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, hiningan ng komento ang young actor na si Will Ashley kung totoo bang nanligaw at binasted siya ni Angel Leighton.

“Binasted ka raw niya. Ano ang gusto mong sabihin?,” tanong ni Tito Boy kay Will, patungkol sa isang episode ng “The Boobay and Tekla Show” kung saan sinabi umano ni Angel ang ginawang pagbasted kay Will.

Ayon kay Will, hindi totoo na niligawan niya si Angel.

“Friends po kami. And nagkaroon po ng time na nagkausap, na-enjoy namin ‘yung company ng isa’t isa,” tugon ni Will.

“Pero hindi po kasi siya umabot sa point na nagkaroon ng ligawan, na nag-ask ako kung ‘Puwede ba kitang ligawan?,’” paliwanag pa ng Sparkle actor.

Gayunman, nirerespeto niya kung ano man ang naging pahayag ni Angel.

“Pero kung ganoon po ‘yung sinabi ni Angel, nirerespeto ko po ‘yun,” saad ng “Unbreak My Heart Star.”

Sa segment na "Pick And Talk," pinili naman ni Will si Andrea Billantes kaysa kay Angel.

Paliwanag ni Will, nakikita niya ang Tiktok videos ni Andrea na mukhang masayang kasama.

Sa pagitan naman nina Jillian Ward at Bianca De Vera, pinili ni Will si Bianca dahil may nabuo na silang samahan bilang magkatambal sa series na "Unbreak My Heart." --FRJ, GMA Integrated News