Inihayag nina Will Ashley at Bianca De Vera, magkatambal sa series na “Unbreak My Heart,” na parehong “masungit” ang first impression nila sa isa’t isa, at sa tingin nila ay hindi sila magkakasundo. Pero napatunayan ng dalawa na mali ang kanilang akala.

Si Will Ashley ay isang Kapuso star, habang si Bianca naman ay isang Tiktok content-creator-turned Kapamilya actress.

Sa “Fast Talk” segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, sinabi ni Will na “masungit” ang first impression niya kay Bianca.

Pinakagusto niya sa aktres ang pagiging “talented” nito, ngunit ayaw niya ang pagiging “magastos” nito.

Si Bianca naman, “masungit” din ang first impression kay Will.

Gusto naman ng dalaga ang pagiging “hardworking” at “simple” ng binata. Ngunit ayaw naman niya na “laging natutulog” si Will.

“Noong una talaga kaming nagkita, hindi kami nagpansinan eh. Noong pauwi na lang,” paliwanag ni Will. “Hirap kaming lumapit sa isa’t isa.”

Pag-amin naman ni Bianca, inakala niya noon na mahihirapan siyang katrabaho ni Will.

“Masungit po. As in noong una akala ko talaga na mahihirapan ako makasama siya. Kasi hindi nagsasalita, kapag nagto-talk naman ako, hindi naman nagre-reply. Sabi ko ‘Shucks paano ba ito?’” kuwento ng dalaga tungkol kay Will.

“Pa-mysterious,” birong hirit ni Bianca kay Will.

Paliwanag naman ni Will, pinakikiramdaman niya muna ang mga taong katrabaho niya.

“Pagka first time kong ma-meet ang tao, ayoko naman din po ‘yung parang feeling close agad,” anang Kapuso actor.

Sa nalalapit na pagtatapos ng “Unbreak My Heart” natanong ang dalawa kung ano ang mangyayari sa kanilang loveteam dahil magkaiba sila ng network.

Ayon kay Will, patuloy pa rin silang magiging “in touch” sa isa’t isa ni Bianca.

“I think at the end of the day, other than being friends or workmates, we formed a truly bonded friendship,” sabi ni Bianca.

“Masaya akong nakatrabaho ka ngayon and marami akong natutunan sa ‘yo. Looking forward sa mga next pa na gagawin natin,” mensahe ni Will kay Bianca.

“I’m proud of you and I’m also rooting for you. I will always be in the sidelines cheering for you,” sabi naman ni Bianca kay Will. --FRJ, GMA Integrated News