Kahit na hindi pa naranasang maging isang ina, inilahad ni Alessandra De Rossi na kumportable siyang gampanan ang role ni Elay na isang nanay sa pelikulang “Firefly.” Biro naman ng aktres, mas mahihirapan siya kung gaganap siya bilang isang tatay.
Sa pagsalang ni Alessandra sa “Not Gonna Lie” segment ng “Dapat Alam Mo!” tinanong siya ni Kuya Kim Atienza kung nahirapan siya sa kaniyang karakter na si Elay, ina ni Tonton na ginagampanan ni Euwenn Mikaell.
“I’m not gonna lie, hindi totoo! Hindi ako nahirapan ‘no! Madali,” biro ni Alessandra.
Kuwento niya, hinugot niya ang emosyon ng pagiging isang ina mula sa karanasan ng pag-aalaga niya ng kaniyang mga alagang ibon.
“I have birds. Sila ‘yung inspiration ko,” anang aktres.
“Si Euween, ‘yung anak ko doon, tingin ko sa kaniya si Kitten. Ayoko siyang mapahamak, ayoko siyang masaktan,” sabi ni Alessandra.
Dahil dito, sinabi ni Kuya Kim na tila madali na kay Alessandra ang pagganap bilang isang ina.
“Sa dinami-dami ng role na ginawa mo, mahihirapan ka pa ba naman sa nanay?” sabi ni Kuya Kim.
Ngunit may nakatutuwang biro si Alessandra.
“Oo. Mahihirapan siguro ako kung ang role ko tatay,” kuwelang tugon niya.
Samantala, hindi totoong hindi na siya tatanggap ng supporting roles.
“Ang sinabi ko is, ‘Ayoko na sana, given the chance ever, tumanggap ng kontrabida.’ Because ayoko naman siya from the start. Wala naman akong choice kasi kailangan kong magtrabaho.”
Ayon kay Alessandra, hangga’t maaari, ayaw niyang bigyan ng sakit ng ulo ang mga manonood.
“Gusto mo ba ‘yung naiinis ka sa akin, wala naman akong ginagawa sa ‘yo? Naiinis ako kapag may taong ‘Uy mainit pa ang ulo ko sa ‘yo dahil sa napanood ko.’”
“Nahu-hurt ako na parang, ito ba talaga ‘yung ginawa nito?”
Kahit na senyales ito ng pagiging isang epektibong kontrabida, naiisip din ni Alessandra ang kapakanan ng ibang viewers.
“Pero ‘yung cancer cells na naibibigay ko sa kaniya, hindi naman tama ‘yun. So we go for touching stories.”
Kabilang ang “Firefly” ng GMA Public Affairs at GMA Pictures sa mga pelikulang kalahok sa gaganaping Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre.
Mapapanood din sa nasabing pelikula sina Cherry Pie Picache, Epy Quizon, Yayo Aguila, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Max Collins, at Kokoy de Santos, at may special participation ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Ang coming-of-age road trip drama na ito ay tungkol sa isang batang lalaki na hahanapin ang mythical island na madalas na ikuwento sa kaniya ng kaniyang ito.
Ang “Firefly” ay idinerek ni Zig Dulay. —VBL, GMA Integrated News