Tila naging isang concert ang ginanap na “Signed for Stardom” event matapos ang kamangha-manghang performances ng pinakamagagaling na Sparkle singers, na pumirma ng kanilang contracts sa Kapuso Network.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan, sinabing ipinakita ng bagong batch ng Sparkle singers na sina Liana Castillo, John Rex, Timmy Albert at Vianna Ricafranca ang kanilang husay sa pag-awit.

Masaya si John na malaki na ang na-achieve niyang personal growth, at target niyang makapag-release ng solo album.

“‘Yung growth ko, mas confident ako ngayon sa sarili ko. Mas naiisip ko na kaya ko pala talagang gawin ito, this is what I want and gusto ko siyang i-push talaga,” sabi ni John.

Hindi naman nagpahuli ang “The Clash” alumni na sina Hannah Precillas, Garrett Bolden at Jessica Villarubin sa kanilang acapella sa kanta ni Beyoncé na “Listen.”

Hindi naitago nina Hannah at Jessica ang kanilang excitement, kasabay na rin ng kanilang upcoming “Queendom” concert sa Disyembre.

“Hindi ko ine-expect din na aabot ako, almost nine years na ako with GMA, with Sparkle, kaya excited ako kung ano mang puwede kong magawa dahil unti-unti na eh, nagagawa ko na ‘yung mga pangarap ko,” sabi ni Hannah.

“Ang dami kong mga pangarap na natupad na for my family, for myself, and of course for my singing career and of course ayun na nga, ang aming concert,” sabi ni Jessica.

Bukod sa kaniyang single, nagkaroon pa ng pagkakataon si Garrett na ipakita ang kaniyang talento sa international stage.

“They gave me the chance to really speak what I want, kung ano ‘yung gustong marating and they support me all the way,” sabi ni Garrett.

Inawit din ng Sparkle girl group na XOXO ang kanilang latest single na “Paraiso.”

Grateful ang grupo sa opportunities na kanilang natanggap sa Kapuso Network.

Kinanta naman ni Rita Daniela ang Love Before Sunrise OST na “From Afar.”

Labis ang pasasalamat ni Rita sa Kapuso Network na kaniyang pangalawang tahanan sa loob ng halos dalawang dekada.

“Dito ako nagdalaga hanggang sa nagkaroon na ako ng anak,” sabi ni Rita. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News