Si Bianca Umali ang gaganap sa "Magpakailanman" bilang si Lairca Nicdao, ang dalagang putol ang binti at naging kauna-unahang Pinay na nanalo sa World Para Dance Sport Championships.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kinasahan ni Bianca ang hamon ng panibagong aktingan bilang si Lairca, na marami ring pinagdaanang pagsubok sa buhay.
"Physically challenging siya. Not only because we were working through the new normal, the role itself was really physically challenging," sabi ni Bianca.
Malaking tulong para kay Bianca na nakasama niya mismo sa set ang tunay na Lairca.
"Inaral ko po kung paano siya maglakad talaga, kung ano 'yung feeling nu'ng prosthetic leg po niya, kung paano niya ino-operate, kasi meron pong lock and unlock para ma-fold and mas ma-lock 'yung leg niya," kuwento ng Kapuso actress.
Makakatambalan ni Bianca si Dave Bornea, na labis namang natuwa dahil si Bianca ang naka-partner niya sa unang role niya bilang isang leading man.
"Kinikilig po ako at saka natutuwa nang sobra. Sabi ko kay Bianca, 'Besh, isang malaking karangalan na nakaeksena kita nang ganito,'" sabi ni Dave.
Naging kumportable naman agad sina Bianca at Dave sa isa't isa sa kanilang taping.
"Kaibigan ko na po talaga 'yan, nakatrabho ko na po 'yan sa dalawang show niya sa 'Kambal, Karibal' tsaka sa 'Sahaya.' Mas lalong naging close kami sa Sahaya kasi ako 'yung isa sa mga gay friend niya doon," ani Dave.
Samantala, nakatakda na ring bumalik si Bianca sa proyekto niyang "Halfworlds" season 3 ng HBO, na natigil dahil sa pandemya.
"We will be going back to work by November. We have workshops po again, and also I think we will be having training also ulit to refresh din kasi more than six months din po kaming hindi nagkita-kita," sabi ni Bianca.--Jamil Santos/FRJ, GMA News