Isinugod sa ospital ang mag-asawang celebrity na sina Jolina Magdangal at Mark Escueta matapos mabangga ang sinasakyang nilang SUV sa East Avenue sa barangay Central sa Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.
Ayon sa drayber ng mag-asawa na si Orly Sebolino, nakatigil sila sa red light sa Philippine Heart Center dakong 1:30 a.m. nang banggain sila ng isang van mula sa kanilang likuran.
Magbabakasyon daw sana ang mag-asawa at papunta na sila sa airport nang mangyari ang aksidente.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni Sebolino na nagtamo ng sugat si Jolina na posibleng bunga umano ng mga nabasag na salamin ng sasakyan.
Samantala, dinala rin sa ospital ang drayber ng van na si Peter Sevilla.
Ayon sa isang sakay ni Sevilla na si Miriam Bondoc, galing pa sila sa Caloocan mula sa Batangas at pauwi na sana sa Makati nang mangyari ang sakuna.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.— FRJ, GMA News