Nagkagulo sa loob ng isang courtroom sa Albuquerque, USA, nang sugurin at upakan ang isang lalaki na nahaharap sa kasong pagpatay. Ang mga umatake sa kaniya, ang kamag-anak ng biktima na kaniyang nobya na binaril noong Enero 2024.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang lalaki na lumundag mula sa harang sa loob courtroom at inatake ang suspek na nakaposas noon habang inihaharap sa hukom.

Isang lalaki at isang babae pa ang sumugod sa sala papunta sa suspek na prinotektahan naman ng mga jail officer. May pulis din na umaawat sa kaguluhan.

Napag-alaman mula sa awtoridad, na akusado si Alexander Ortiz sa pagpatay sa dati niyag nobya na binaril sa loob ng kuwarto ng dalaga noong Enero 2024.

Batay sa court records, may nakakita umano kay Ortiz na lumabas mula sa bintana ng kuwarto matapos madinig ang mga putok ng baril.

Inaresto si Ortiz noong Pebero 2024 at kinasuhan ng 1st degree murder. Pero naghain siya ng not guilty plea sa kaso, o itinatanggi niya ang paratang laban sa kaniya.

Hanggang sa muling makaharap ng mga kaanak ng biktima si Ortiz sa ginanap na pagdinig sa Bernalillo County courthouse nitong nakaraang Enero 31, 2025.

Ang nanguna sa pagsugod kay Ortiz sa courtroom, ang tiyuhin ng biktima na si Carlos Lucero, na ikinasugat ni Ortiz at isang pulis na umaawat.

Natigil lang ang kaguluhan nang gumamit na ng taser gun ang pulis. Inaresto si Lucero at dalawa pa niyang kasama dahil sa insidente.

Gayunman, wala raw pinagsisisihan si Lucero sa kaniyang ginawa.

"He killed my niece like a coward. It was worth every moment," ayon kay Lucero.-- FRJ, GMA Integrated News