Naantig ang damdamin ng maraming netizen sa handog ng isang ina para sa namayapa niyang anak sa Cebu City nang gawin niyang disenyong pampasaherong Blue 10F jeepney ang puntod nito. Alamin kung bakit ito ginawa ng ina.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, malungkot na ibinahagi ni Nida Villarte ang kuwento sa biglang pagpanaw ng kaniyang anim na taong gulang na anak na si Aries, nito lang nakaraang buwan.
Ayon kay Nida, paborito ng kaniyang anak na sumakay sa Blue 10 F jeep kapag bumibiyahe sila.
Isang batang mabait si Aries, madasalin at malapit sa Diyos. Katunayan, kinabisado raw ng bata ang ruta papunta sa mga simbahan.
Pangarap din daw ni Aries na makapag-drive ng blue F10 jeep sa kaniyang paglaki.
Pero nitong nakaraang Mayo, nagkasakit si Aries bago ang kaniyang graduation sa kindergarten, at magkaroon siya ng UTI.
Gayunman, sinabi ni Nida may hinala ang duktor na posibleng may iba pang problema sa kalusugan ang kaniyang anak dahil bihira sa isang bata ang magkaroon ng UTI.
"She told me that maybe your son [has] a congenital condition. After three days of taking antibiotics, we did the repeat analysis and everything was clear," ayon kay Nida.
Pero ang UTI ni Aries, nasundan ng tonsilitis matapos ang ilang araw. Ngunit hindi raw masyadong nag-alala si Nida dahil hindi naman kataasan ang lagnat ng anak.
Hanggang dumating ang sandali na nag-hallucinate na si Aries at inakala ng bata na nakasakay sila sa jeepney.
"In bisaya he said, "Ma plete na ta Ma?' Is means if we're going to pay for our fare already. And then I told him, 'No. we are not inside the jeepney," kuwento ni Nida.
Nasundan pa ito habang nakaupo umano si Aries at masayang-masaya.
"He was very happy and excited. He just sat down sa room namin and he was pointing somewhere and said, 'Ma ang blue 10F na jeep, it's there,'" sabi pa ni Nida.
Dinala nila sa ospital si Aries at nagulat siya nang sinabihin ng mga doktor na kailangan i-ICU ang kaniyang anak.
Lumitaw kasi na may severe sepsis na si Aries at kumalat na ang impeksiyon sa kaniyang dugo.
Sa kasamaang-palad, hindi na naka-recover si Aries at binawian ng buhay noong nakaraang buwan ng Hunyo.
"My son was staring at me while were holding hands and then I just noticed his last stare, he didn't say anything but that stare, that look was like a look of saying goodbye," malungkot na pag-alaala ni Nida.
Labis na nabigla si Nida sa nangyari dahil hindi naman sila nagkulang sa pagpapa-check-up sa anak.
Para maibsan ang kaniyang pangungulila sa anak, ginawa niyang disenyong jeep ang nitso ni Aries upang matupad man lang ang pangarap ng bata na maging driver ng jeepney.
"Feling ko kasi sinundo na siya ni Jesus using the Blue 10 F jeep. That's why he said, 'Ma andito na ang blue 10F. So I decided at least for the last time I would fulfill his dream to become a jeepney driver in heaven," ayon kay Nida. -- FRJ, GMA Integrated News