Hindi mapigilang maiyak ng isang anim na taong gulang na lalaking may kaarawan matapos makita ang sorpresang inihanda ng ina at mga kapatid sa kanilang bahay sa Brea, California. 

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang CCTV footage kung saan naiwan noon si Joshua at ang 12-anyos niyang kuya na si Christian sa kanilang tahanan.

Nasa trabaho noon ang kanilang nanay na si Olga, ngunit hindi siya umalis ng bahay nang hindi naaayos ang sorpresa para sa bunso.

Walang maayos na pagdiriwang noong mga nakaraang taon si Joshua dahil sa epekto ng pandemya sa kanilang pamilya.

Kailangan pa ring magtrabaho ni Olga kahit na kaarawan ni Joshua. Ngunit dahil gusto niyang mapasaya ang bunso, naglagay siya ng dekorasyon sa kanilang kusina at inilagay doon ang kanilang mga regalo.

Pagkagising ni Joshua, dumiretso siya sa kanilang sala at nakinood sa kaniyang kuya, ngunit hindi agad napansin ang sorpresa.

Si Olga naman, nagulat matapos magpadala ng mensahe si Christian kung saan sinabi niyang umiiyak si Joshua sa sorpresa. Dahil dito, nakiiyak na rin siya nang mapanood ang footage sa kanilang CCTV sa bahay.

Umuwi agad noong araw na iyon si Olga upang bumawi ng selebrasyon sa anak sa mga taon na kapos sila at hindi nakapaghanda.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News