Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing isa mga lalaking uminom ng tubig mula sa bukal na kung tawagin ay payaw ay ang 74-anyos na si Mang Oto.
Kuwento ni Mang Oto, lagi siyang kumukuha ng inuming tubig sa payaw dahil manamis-namis ang lasa nito.
Marami rin daw ang nagsasabi na kamukha niya si Tirso Cruz III noong kaniyang kabataan kaya napasagot niya ang kaniyang unang naging nobya sa Batangas.
Gayunman, ayaw umano sa kaniya ng mga magulang ng dalaga kaya nauwi sila sa hiwalayan. May babae rin daw na nakamabutihan ni Mang Oto na taga-Masbate pero sa hiwalayan din nauwi ang kanilang relasyon.
Nakapuwesto ang bukal sa gubat na halos kalahating kilometro ang layo mula sa mga kabahayan. Nanggaling ang tubig na dumadaloy rito mula sa ugat ng isang malaking puno na nasa dalawang metro ang taas.
Ito ang tanging napagkukunan ng inuming tubig ng mga taga-barangay noon.
Gaya ni Mang Oto, single din sa edad na 62 ang pinsan niya na si Pidek, na tagalinis ng payaw.
Nagkaroon din ng nobya si Pidek pero nagkahiwalay sila nang pumunta sa Maynila ang dalaga.
Muling umibig si Pidek, at gusto na siyang pakasalan ng babae ngunit hindi pa raw siya handa nang panahong iyon.
“Sabi ko wala kong perang na ipangkakasal. Hindi lang kami na nag-uusap. May asawa na. Sa ngayon, mag-isa lang ako sa bahay. Siyempre malungkot, wala sa iyong nagtutulong kapag masama ang pakiramdam ko. Naiingit nga ako sa mayroong mga may kasama sa buhay,” sabi ni Pidek.
Sa payaw rin nag-iigib ng tubig ang magkapatid na sina Joemar at Marlon Rada, 41 at 38 anyos, na mga single pa rin hanggang ngayon.
Sinubukan ni Marlon na manligaw ngunit pakiramdam niyang binubuhusan siya ng malamig na tubig kapag binabasted.
Si Jomar naman, nakahanap ng “LOL” o “Love Online” ngunit iniwan din siya makalipas ang dalawang taon nilang relasyon.
Base sa mga kuwento-kuwento, binabantayan ng isang engkanto ang payaw, at isinusumpa nito ang mga lalaking umiigib at umiinom na kaniyang natitipuhan.
Bukod dito, sinabi ng residenteng si Maria Carla Victoria Esclares, na kahugis ng isang pribadong parte ng katawan ng babae ang puno sa payaw. Kaya naman binabalaan niya ang mga binatang anak na huwag uminom ng tubig dito.
Ngunit para sa anthropologist na si Chester Cabalza, walang kinalaman ang payaw sa pagiging single ng mga lalaki sa lugar.
“Puwedeng coincidence ito. Napakalawak ng mundo at napaiba-iba ‘yung mga pananaw natin dito lalong-lalo na kapag nasa probinsya kung saan naniniwala ang mga tao na may mga espiritu, engkanto at kung ano-ano pang mga elemento na nakatira dito,” ayon kay Cabalza.
Sinabi naman ng psychologist na si Dr. Vicente Panganiban, na may mga dahilan kung bakit hindi nag-aasawa ang isang tao.
“Huwag masyado nilang paniwalaan na ang tubig na ito ay ang dahilan kung bakit sila magiging single. A few reasons kaya nagsi-single; dahil number one, kontento na sila sa buhay; pangalawa, natatakot sila na baka makaranas ng mga problema kapag let's say makapag-asawa sila or magkapamilya. Sa tingin nila, sa sarili nila, di sila for the marrying type,” paliwanag ni Panganiban.-- FRJ, GMA Integrated News