Nagtamo ng mga sugat ang isang lalaki sa England matapos na atakihin siya ng malaking aso habang naglalakad kasama ang alaga niyang aso na maliit.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood na unang pinuntirya ng malaking aso ang maliit na aso ng lalaki.

Pero pilit na prinotektahan ng lalaki ang maliit na aso hanggang sa siya na ang pagbalingan ng malaking aso at pinagkakagat hanggang sa matumba.

Huminto lamang ang aso sa pag-atake nang takutin ito ng isang motoristang nagmagandang-loob.

Sugatan ang lalaki sa video na agad na isinugod sa ospital.

Sinabi ni Meeran Hassan, may-ari ng video footage na ilang beses na niyang inireklamo sa pulisya ang malaking aso dahil maingay at nakabubulabog. Ngunit hindi umano inaaksyunan ng mga awtoridad ang kaniyang reklamo.

Bukod dito, hindi rin daw naaalagaan nang maayos ang agresibong aso.

“I think the owner is a taxi driver who only comes at certain times of the day to let it out and feed it. But it is left outside for the majority of the time. It seems hungry – like nobody feeds it,” sabi ni Hassan.

Nahuli ng mga awtoridad ang aso, at nasa maayos nang kalagayan ang lalaking inatake sa kabila ng mga tinamong sugat.

Samantala, isang pusa naman ang namatay matapos na atakihin ng aso sa hardin ng kanilang kapitbahay.

Hysterical ang amo habang inaawat ang kaniyang aso.

Ilang saglit pa, lumabas ang may-ari ng bahay para magtanong kung ano ang nangyari.

Nang suriin ng babae ang alaga niyang pusa, puno na ito ng sugat at wala nang buhay.

“It all happened in seconds. I was absolutely frightened and my cat was ripped into pieces,” sabi ng may-ari ng pusa na si Nima Begum.

“I have seen that dog off the lead every day for a few months. It could have been the dog attacking my 3-year-old boy,” pagpapatuloy ni Begum.

Naiulat na sa pulisya ang insidente at iniimbestigahan na kung may pananagutan ang may-ari ng aso.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News