Nasagip ang isang lalaki at ang kaniyang aso na tatlong buwang nagpalutang-lutang sa Pacific Ocean matapos bagyuhin ang kanilang bangka.
Sa ulat ng GMA News Feed, kinilala ang lalaki na si Tim Shaddock, isang Australian, at ang aso niyang si Bella, na nailigtas ng isang tuna vessel.
Naglayag si Shaddock noong Abril 2023. Makalipas ang ilang linggong paglalayag, sinalubong sila ng kaniyang aso ng isang bagyo sa laot, ayon sa impormasyong nakalap ng Agence France-Presse.
Pumalya ang bangka ni Shaddock at nasira ang lahat ng kaniyang electronics kaya hindi siya nakahingi ng tulong.
Ayon kay Shaddock, tubig ulan ang iniinom nila ng kaniyang aso, at humuhuli ng isda para may makain.
“I did a lot of fishing. When things get tough out there, you have to survive,” sabi ni Shaddock.
May silong din sila laban sa sunburn at heat stroke.
“I took a lot of stuff with me too, so, you know, good provisions. I lost my cooking along the way. So a lot of tuna sushi,” sabi pa ng Australyano.
Hanggang sa makita ang mag-amo ng isang helicopter, na siyang nagparating sa tuna vessel para mailigtas sila.
“I am alive. I really did not think I would make it,” sabi ni Shaddock.
Base sa isang lumabas na report, stage 4 cancer survivor din si Shaddock na isang IT expert sa Sydney, Australia.
Nasuri na ng doktor si Shaddock, at lumabas na maayos ang kaniyang kalusugan.
Ligtas din ang kalagayan ng asong si Bella.
Plano ng mag-amo na umuwi muna sa Australia para magpagaling.
“I will always be in the water. I do not know how far out in the ocean again I will be. But I think, I just love nature,” sabi ni Shaddock. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News