Sugatan at kinailangan operahan ang 24-anyos na lalaki matapos umano siyang suntukin sa ulo ng nakaalitan niyang kapitbahay sa Bagong Silang, Caloocan. 

Ayon sa biktima, pauwi na siya matapos mamasada ng tricycle nang harangin siya ng suspek. 

“Bigla niya po akong hininto. Bigla niya po akong sinuntok dito sa ulo hanggang sa makatakbo ako. Sinundan pa po niya ako,” ani biktima. 

Paika-ika na raw tumakbo palayo ang biktima na hinabol pa ng suspek. 

Ayon sa kapatid ng biktima, kakutsaba pa umano ng suspek ang asawa at anak niya na inabutan pa siya ng pamalo sana sa biktima. 

“Iyong kapatid ko, biglang sinuntok sa ulo. Tapos may hinagis po iyong asawa niya na batuta ba iyon o tubo. Pati iyong anak niya po,” aniya. 

Ilang kapitbahay naman na nakasaksi sa insidente ang umawat sa suspek. 

“Pag-awat namin, may tama na po pala iyong biktima… Marami naman po nakakita. Halos lahat po. Kasi noong nagkagulo, naglabasan po kaagad iyong mga tao,” sabi ng isang saksi. 

Dati na raw may alitan ang dalawa matapos pagbintangan ng suspek ang biktima na kabilang umano sa mga nambugbog sa anak nito.

Pero giit ng kapatid ng biktima, walang kinalaman ang kapatid niya sa binibintang ng suspek. 

“Hindi nga po nahawakan ng kapatid ko iyong anak niya eh dahil wala naman po iyong kapatid ko sa pangyayari na sinasabi niyang nabugbog iyong anak niya,” aniya.

Dagdag pa ng isang saksi, “nadamay” lang ang biktima. 

“Siya lang po yata iyong naabutan diyan,” aniya. 

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang kaanak ng biktima sa mga awtoridad para sa imbestigasyon. —KBK, GMA Integrated News