Sa kabila ng pagmamalasakit ng mga taong nalaman ang kaniyang kuwento, hindi na rin naisalba pa ang buhay ng isang inabandonang kuting na mayroon sugat na dulot umano ng kagat ng aso. Tunghayan ang nakaaantig na kuwento ni "Bonbon."
Sa video ng GMA News Feed, napag-alaman na nakita ni Christian Delovino sa gilid ng kalsada sa Makati ang isang kahon.
Noong una, inakala niya na baby ang laman ng kahon. Pero nang silipin niya ito, isang kuting ang nasa loob na may kasamang sulat.
Nagpakilala ang dating may-ari ng kuting na isang bata. Makikita rin ito sa kaniyang sulat-kamay sa mensaheng iniwan sa kahon kasama ang kuting.
Nakasaad sa sulat na "Bonbon" ang pangalan ng kuting.
"Hi, please adopt me and do not abuse me," ayon sa sulat.
Ayon sa dating may-ari ng kuting, "I don't have enough money to take him to the vet. please adopt him. I'm crying, it hurts me. Just a kid."
Dahil sa sugat, hindi umano makalakad ang kuting.
Iniuwi ni Christian ang pusa at inalagaan habang naghahanap siya ng puwedeng umampon sa pusa.
Hindi rin daw kasi niya kayang alagaan ang pusa dahil sa kaniyang trabaho.
Isang vlogger naman na animal rescuer ang kumuha sa kuting. Ginamot niya ito pero sa kasamaang palad ay lumobo na raw ang tiyan dahil sa komplikasyon at hindi nagtagal ay pumanaw na.
Sa kabila ng malungkot na wakas ng kuwento ni Bonbon, malaki pa rin ang pasasalamat ni Christian sa mga netizen na nagmalasakit at tumulong. --FRJ, GMA Integrated News