Isang mister sa Lianga, Surigao del Sur ang mayroong 41 anak sa kaniyang pitong asawa. Lahat sila, magkakasama sa isang komunidad.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," kinilala ang mister na si Godolfredo "Fr. Fred" Retuerto, na tumatayong pinuno sa itinayo niyang komunidad na Davisol o Divine Arch Victory Instituted in Sion Omnipotent in this Latter Days of Christ.
Ang naturang komunidad ay nakatayo sa mahigit 800 hektaryang lupain sa Barangay Manyayay. Ang mga residente sa purok, halos magkakapareho ang apelido na Retuerto.
Ayon kay Fr. Fred, ang mga naging asawa niya ay pinili mismo ng kaniyang unang misis, at naging magkakatuwang sa pamamahala sa Davison.
May kaniya-kaniya rin umanong tungkulin ang kaniyang mga asawa sa kanilang komunidad tulad ng pamamahala sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, budget at preparasyon, at komunikasyon.
Sinubukan ng "KMJS" na makapanayam ang mga asawa ni Fr. Fred pero napagdesisyunan umano ng konseho na manatiling pribado ang mga ito.
Gayunman, pinayagan naman ang "KMJS" na magamit ang mga larawan ng mga asawa ni Fr. Fred.
Bagaman magkakasundo ang pitong asawa, hindi naman sila magkakasama sa iisang bubong lamang. Mayroon din umanong schedule si Fr. Fred sa bawat pamilya niya.
Giit ni Fr. Fred, mahal niya ang lahat ng kaniyang asawa.
"Hindi kami ganito kung hindi kami nagmamahalan," aniya. "Hindi naman maiiwasan ang selosan kasi tao."
Dating semenarista sa Cebu si Fr. Fred at kinalaunan ay nanirahan sa Mindanao.
Sa pamamagitan ng pangingisda at paglililok umano niya binuhay ang kaniyang malaking pamilya.
Kalahati rin sa kaniyang mga anak ang nakapagtapos na ng pag-aaral.
Batid ni Fr. Fred na kakaiba ang kaniyang pamilya pero iginiit niya na hindi sila maituturing na kulto.
Hangad niya na unawain sila at irespeto ang paraan ng kanilang pamumuhay.
"Sabi nga evilness act yung maraming asawa. Pero sa akin ang maraming asawa kung marunong ka at sila ay may pagmamahal sa inyo, at may pagmamahalan kayo sa lahat, magkakaunawaan kayo, mayroon kayong pagkakaisa," paliwanag niya.
Pero gusto kaya ni Fr. Fred na sundan din ng mga anak ang kaniyang yapak? At ano ang pananaw ng mga eksperto sa sistema ng pamumuhay ng Davison? Panoorin sa video ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News