Nararanasan ngayon sa California sa Amerika ang magkakasabay na delubyo tulad ng mudslide, pagbaha at sinkhole dahil sa severe weather.

Kabilang raw sa mga naapektuhan ang bahay ng actress-comedian na si Ellen DeGeneres.

Sa video ng GMA News Feed, kitang-kita isang drone video ang paglamon ng malaking alon sa Capitola Wharf sa Santa Cruz, California.

Nakunan ito sa gitna ng sabay na pananalasa sa Northern California ng atmospheric river at bomb cyclone.

Ang atmospheric river ay dulot ng moisture sa hangin mula sa dagat at ang bomb cyclone naman ay mala-buhawing low pressure system.

Ilang araw matapos nito, rumagasa ang baha sa Montecito community at iba pang kalapit na lugar.

Kabilang sa mga naapektuhan ang bahay ng actress-comedian na si Ellen DeGeneres.

“This creek next to our house never flows, ever. [It is] probably about nine feet up, and it is going two feet up. We have horses ready to evacuate,” ani DeGeneres.

Pinalikas na ang mga nakatira sa mababang lugar dahil sa mga pagbaha.

Sa Morro Bay, tinangay ng tubig ang maraming sasakyan.

Kitang-kitang naman sa isang video video ng California Highway State Police ang pagbagsak ng naglalakihang bato mula sa itaas ng bundok ng Fresno, California.

Mayroon ding mga nilamon ng sinkhole sa Los Angeles, California.

December 26 pa nagsimulang tumama ang magkakasunod na bagyo sa California kung saan sabay-sabay naranasan ang pag-ulan ng yelo, malalakas na ulan, rumaragasang baha, mudslide at pagbagsak ng mga bato, pati storm surge o daluyong.

Mahigit 34 milyong residente ang apektado ng severe weather habang hindi bababa sa 14 katao na ang nasawi.

Wala pang opisyal na ulat mula sa mga awtoridad kung may mga Pilipinong apektado ng masamang panahon sa California. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News