Isang taon makaraang pumanaw dahil sa COVID-19 ang isang ginang, aksidenteng nadiskubre ng kaniyang naulilang anak at asawa ang iniwan niyang bugkos na pera na kaniyang itinago sa kurtina. Bukod pa ito sa perang naiwan niya sa bangko.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Khaluah na magpapalit sana siya ng kurtina sa bahay para sa ika-63rd birthday ng kaniyang Tatay Boy noong nakaraang linggo, nang makita niya ang bugkos na pera na nakatago sa pink na kurtina na paboritong kulay ng pumanaw niyang ina na si Alma.
“Favorite niya [nanay Alma] ang pink. ‘Yung pader nga halos pink. Favorite niya ang kurtinang iyon,” saad ni Khaluah.
Isang taon ang nakalipas pero hindi pa rin halos matanggap ni Tatay Boy ang biglaang pagpanaw ng kaniyang kabiyak na si Nanay Alma dahil sa COVID-19.
“Masakit. Lalong mahirap dahil nag-iisa ako sa bahay. Masakit talaga. ‘Yung maiwan tayo ng mahal natin sa buhay, ‘yun ang pinakamasakit,” aniya.
Naging mas masakit para kay Khaulah ang nangyari dahil naospital ang kaniyang ina habang nagtatrabaho siya bilang isang ICU nurse sa Saudi Arabia.
“Naka-tent lang si mama ko. Mayroon siyang mechanical ventilator. As a nurse na nasa ICU ka, inalagaan mo same case ng mother ko. Mayroon kaming mga extra na bed, kumpleto," saad niya. "Pero anong magagawa ko, ilipad ko ‘yun? Hindi naman ako hero para uuwi ako at ililipad ko ang mga gamit na ‘yon.”
Dahil sa nangyari sa ina, sinabi ni Khaluah na nagkaroon niya ng mild depression at kinailangang uminom ng gamot.
“Nag-inom ako ng medication for depression. Iyak na lang ako ng iyak palagi. During that time, I'm processing my vacation in the Philippines. Kaso naabutan ako ng lockdown. Nakauwi ako last week ng August. Sakto din po, first death anniversary sa September 27. Nami-miss ko ang bonding namin at mahal ko pa siya sobra,” anang anak.
Dating midwife sa kanilang rural health center si nanay Alma, at sadya raw mahusay na magtabi ng pera.
Ayon kay Tatay Boy, may laman daw ang ibang passbook ng asawa na mahigit P170,000. May mga lupa rin daw silang nabili at bahay.
Hanggang nito lang November 3, habang naghahanda si Khaluah sa ilalagay na kurtina sa bahay para sa kaarawan ng kaniyang ama, may nakita siyang bugkos ng mga pera na tig-tig-P500 at tig-P1000 na nakabalot sa puting papel at natago sa kurtina.
Nang bilangan ni Khaluah ang pera, umabot raw ito ng P110,000. Bukod rito, mayroon din silang nadiskubreng passbook pa na may laman na mahigit P70,000.
Ayon sa dalaga, bayad pala ito sa kaniyang nanay. Gagawa na rin sila ng affidavit para makuha sa bangko ang pera ng ina.
“Sabi ng tita ko si mama daw ay mayroon talaga siyang nakalaan na pera from her retirement daw. Tinago lang daw niya for emergency. Siguro hindi niya binangko dahil pandemic kasi nung time na ‘yun," ani Khaluah.
Plano nila na gamitin ang naiwang pera ng ina upang ipagpatayo ng paupahang mga kuwarto.
“Ako, malaki ang pasasalamat ko sa kaniya dahil kahit nawala siya parang iniwanan niya kami ng magandang pagkabuhayan namin,” sambit ni Tatay Boy.--FRJ, GMA Integrated News