Ikinagulat ng isang pamilya sa Pangasinan ang natanggap nilang electric bill noong Agosto na umabot sa P1.4 milyon.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita sa resibo ng pamilya ni Menchie Marayag Antonio na umabot sa P1,472,973 ang kanilang bill mula sa Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO).
Napakalayo raw nito sa buwanan nilang bayarin na umaabot lang sa P1,500.
"Siyempre iyong reaction ko unang-una, sobrang kinabahan din ako gawa ng, siyempre, ordinaryong tao lang po kami tapos biglang ganoon iyong makikita mo," sabi ni Antonio.
"Nagulat din po ako. Nagtaka ako kasi parang ang dami niyang numbers. Tapos ayun nga po, P1.4 million nga po," dagdag pa niya.
Dahil dito, agad na nagpunta si Antonio sa tanggapan ng CENPELCO para iparating ang kaniyang problema.
Tumugon naman ang CENPELCO, at sinabing nagkamali ang kanilang reader sa pagbasa ng metro.
Humingi ng paumanhin ang CENPELCO sa pamilya, at sinabing magsasagawa na lang sila ng panibagong meter reading para maitama ang electric bill ng pamilya.
"Hindi napansin siguro o hindi na-prompt 'yung meter reader natin na nagkaroon ng [error] doon sa pag-input niya ng number. Nagkaroon ng pagkakamali, sigurado iyon," paliwanag ni Engr. Rod Corpuz, General Manager ng CENPELCO.
Ngunit sa bagong post ni Antonio, natuklasan nilang sumobra naman sa zero ang nailagay na meter reading na inilagay sa bill.
Hiling ni Antonio sa CENPELCO na ayusin sana ang pagsuri sa mga metro at billing bago ibigay sa mga consumer. —LBG, GMA News