Nakahukay ang mga minero ng Angola ng pambihirang pure pink diamond, at pinaniniwalaang pinakamalaki na natagpuan sa nakalipas na 300 taon.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing ang nakitang 170 carat pink diamond -- na tinawag na Lulo Rose -- na nakita sa Lulo mine.
Ito umano ang pinakamalaking pink diamond na nakita, ayon sa inilabas na pahayag sa mga investor ng Lucapa Diamond Company.
Ikinatuwa ng pamahalaan ng Angola ang itinuturing "historic" ng Type IIa diamond, isa sa mga rarest at purest forms ng natural stones.
Kabahagi ang pamahalaan ng Angola sa naturang minahan.
"This record and spectacular pink diamond recovered from Lulo continues to showcase Angola as an important player on the world stage," ayon kay Angola Mineral Resources Minister Diamantino Azevedo.
Asahan na magiging mahal ang presyo ng naturang diamond sa sandaling ibenta na ito. Ayon sa ulat, sa isang subasta sa Hong Kong noong 2017, umabot sa 71.2 million US dollars ang halaga ng 59.6 carat Pink Star--ang pinakamahal na diamond na naibenta. —AFP/FRJ, GMA News