Sugatan ang isang 38-anyos na motorcycle rider at kaniyang apat na taong gulang na anak matapos silang masangkot sa aksidente sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na nakahandusay sa gilid ng kalsada ang lalaking rider matapos maaksidente sa Don Vicente Street pasado 10 p.m.

Tumugon ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at dinala sa ospital ang mag-ama.

Ayon sa Brgy. Bagong Silangan BHERT, nagtamo ng abrasion ang rider, at ang anak sa may kaliwang bahagi ng paa at ulo.

“Lasing po talaga 'yung tatay po, nakainom po,” sabi ni Justin Bjorn Dollesin ng Brgy. Bagong Silangan BHERT.

Ayon sa rider na nakausap ng mga rescuer, susunduin sana nila ang kaniyang asawa nang maganap ang aksidente.

“Noong pababa po sila, may humps po kasi roon, may nag-cut po sa kanila. Tapos nailang daw po siya then tumama po 'yung gulong niya sa may humps nga po. Tapos doon po siya nag-slide po,” sabi ni Dollesin.

Samantala sa Commonwealth Avenue sa Barangay Tandang Sora naman, sumemplang din ang isang 38-anyos na lalaking rider sa harapan ng SUV pasado 11 p.m. nitong Martes.

Nagtamo ang rider ng  mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan, at iniinda rin ang sakit ng kaniyang binti.

Pauwi na sana sa Barangay Payatas ang rider mula sa East Avenue samantalang ang SUV, galing sa Timog Avenue at patungong Fairview.

Sinabi ng SUV driver na mabuti na lamang at agad siyang nakapagpreno.

Isinugod sa ospital ang sugatang rider, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang QCPD Traffic Sector 5 sa aksidente.

Sa IBP Road sa Quezon City pa rin, isa namang harapan ng kotse ang nagliyab mag-8 p.m.

Ginamitan ng mga awtoridad ng fire extinguisher ang apoy para maapula.

Ligtas na nakalabas ang lalaking nagmamaneho ng kotse.

Wala namang ibang nadamay sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News