Sa Bahrain isinilang at nagkamalay si Ivana Alawi na lumaki sa marangyang pamumuhay na may malalaking bahay at kuwarto. Ngunit nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, umuwi sa Pilipinas ang kaniyang Pinay na ina, at sumunod ang bata pa noon na si Ivana na mag-isa lang.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nagkakilala sa Bahrain ang ina ni Ivana na si Fatima at ang ama niyang Moroccan businessman na si Samier.
“Sobrang maganda ‘yung buhay namin doon. Tapos malaking-malaking bahay, malaking room," kuwento niya.
Ngunit nagkaroon ng hindi pagkakasundo ang kanilang mga magulang na nauwi sa hiwalayan.
Buntis noon ang kaniyang ina kay Mona, ang bunso nilang kapatid, nang umuwi ito sa Pilipinas, at naiwan sa poder ni Samier si Ivana at ang kaniyang ate at kuya.
“Nagdala na siya ng girlfriend na bagets [sa bahay]. Ako hindi ko matanggap. Ano ito? Papalitan mo ‘yung nanay ko? Sabi ko, no, no, no. No one's gonna replace my mom. So sabi ko sa tatay ko, I will follow my mother,” kuwento ni Ivana.
Lima o anim na taong gulang siya nang lumipad siyang mag-isa papunta sa Pilipinas.
“Sabi ng tatay ko, ‘Hindi kita mahahatid,’ kasi ang dami niyang trabaho. Wala sa mga kapatid ko ang may gusto pumunta ng Pilipinas. Nilagyan ako ng pera sa bulsa ko, ‘Huwag mo gagalawin ‘yan ah.’ Pagdating sa Pilipinas, nanay mo ang kukuha.’ Wow! Sabi ko, ‘delivery girl,’” kuwento niya.
Pagkarating ng Pilipinas, ikinagulat ni Ivana ang sitwasyon ng buhay ng kaniyang ina.
“Pagkakita ko po ng bahay, promise po. Wala kaming ref. Hindi kami kasya roon sa bedroom po. Kasi tatlo kami. Ako, si Mona, tapos ‘yung mama ko. Tapos kailangan naka-curve 'yung paa kasi malit na malit lang po 'yung room,” kuwento niya.
“Tsaka nakakita ako ng ipis, dagang malaki. Kasi nasa tabi kami ng kanal. Nagliliparan pa 'yung mga ipis. Nasabi ko, ‘Ayoko na dito,’” balik-tanaw niya.
Hindi raw naiwasan ni Ivana na magtanong sa kaniyang ina kung bakit iniwan ang kanilang buhay sa Bahrain kapalit ng buhay nito sa Pilipinas.
“Tapos sabi ko sa mama ko talaga, ‘Mama, iniwan mo kami para dito? Bakit?’ Tapos sabi niya, ‘mas masaya ako dito.’ Hindi talaga siya about sa pera,” ana ni Ivana.
“Sabi niya, kung sa pera lang, eto sana nagtiyaga ako roon, sana tiniis ko lahat ng mga sakit. Pero it's not about the money. Sometimes, ang happiness, hindi nabibili ng pera,” pagpapatuloy ni Ivana.
Kalaunan, pinaglaro si Ivana ng kaniyang ina sa kalye, na taliwas sa buhay niya sa Bahrain na eskwelahan at bahay lang.
“Paglabas ko, may mga nagtatakbuhan na mga bata. Nakagano'n lang ako, ‘Mama, hindi ako marunong. Paano? English speaking pa. Ang sabi, ‘Anong sinasabi mo? Arte mo naman.’ ‘I don't understand you guys.’ Ganon-ganon pa ako. Arte. Inglisera, hindi ako marunong mag-Tagalog,” natatawang sabi ni Ivana.
Inalala ni Ivana ang isang karanasan nang mapasabak siya sa pisikalan sa kalsada.
“‘Yung isang bata, katakbo niya. Arte arte sa akin, tinusok 'yung tainga ko. So nabutas siya, ganiyan. Sabi ko, ‘Wah!’ dugong-dugo. ‘Yung nanay ko, inatake na naman. Halika na magpunta tayo sa ospital,’” patuloy niya.
Sa kabila ng nangyari sa kaniya, unti-unting niyakap ni Ivana ang buhay-kalye sa Pilipinas, na inilarawan niyang isang “paradise.”
“As time went by, dahan-dahan, nagkaroon na ako ng maraming friends. Tapos sabi ko sa kapatid ko, mga kapatid ko, ‘Uy, ang ganda dito. Paradise,’” ayon kay Ivana.
Sa pagdaan ng panahon, hinikayat din ni Ivana ang ate at kuya niya na magpunta na sa Pilipinas sa piling ng kanilang ina.
"Galit na galit sila pagdating, 'paradise? panong nangyari? Sabi ko guys, exprience niyo, try niyo siya ng ilang taon. Hanggang lahat po kami hindi na umuwi [sa Bahrain]. Nag-enjoy na po talaga kami dito," sabi pa ni Ivana.
Naiwan naman sa Bahrain na mag-isa ang kanilang ama. Ngunit sa kabila ng lahat, sinabi ni Ivana na wala siyang hinanakit sa kanilang ama, na siya rin daw turo ng kanilang ina.
Hanggang sa nagkasakit ang kanilang ama na kaniya pang nakausap habang nakaratay sa Subic, Zambales bago tuluyang malagutan ng hininga.
Pero totoo ba na kay Ivana ipinama ng kanilang ama ang mga ari-arian nito sa Bahrain? Alamin ang buong kuwento sa video. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News