Naglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Bacoor, Cavite laban sa aktor na si Archie Alemania. Kaugnay ito sa kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kaniya ng aktres na si Rita Daniela.

Sa isang kautusan na may petsang Marso 18, sinabi ng Bacoor City Municipal Trial Court in Cities Branch 2, na maaaring magpiyansa si Archie ng halagang P36,000.

“After a careful evaluation of the information, the resolution, investigation data form, the complaint affidavit of the complaining witness, and other pertinent documents, the court finds probable cause to hold the accused for trial,” saad ng korte.

“Considering that the accused is at large, let a warrant of arrest be issued against him,” dagdag nito.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag si Alemania.

Isinampa ng piskalya ng Bacoor ang naturang kaso laban kay Alemania nitong nakaraang Marso matapos na makakita ng “prima facie case with reasonable certainty of conviction,” kaugnay ng reklamo ni Daniela. 

Inirekomenda rin nila na pagmultahin si Alemania sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code.

Base sa reklamo ni Daniela, sinabi ng aktres na hinalikan at hinawakan siya sa dibdib ni Alemania nang walang pahintulot. Makailang ulit din umano nagbitaw ng mga hindi kaaya-ayang pananalita ang aktor laban sa kaniya.

Nangyari ang insidente matapos ang dinaluhan nilang thanksgiving party noong Setyembre 2024.

Noong nakaraang Disyembre, nagsumite si Alemania ng counter-affidavit sa Bacoor Hall of Justice bilang tugon sa reklamong inihain ni Daniela.

Tumangging magbigay ng komento ang kampo ni Alemania, ngunit sinabi ng piskal na itinatanggi ng aktor sa kaniyang counter-affidavit ang mga paratang ni Daniela.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News