Laking gulat ng isang fur parent matapos isilang ng alaga niyang aso ang isang kakaibang tuta na may ikatlong paa na nagmistulang buntot nito at dalawa ang maselang bahagi ng katawan.

"Pagdampot ko ng isa, sabi ko, bakit 'yung buntot niya is paa? Paa 'yung nandoon sa pwesto ng buntot niya. And then pagtingin ko sa gender niya, dalawa 'yung organ, mukhang sirena ang buntot," sabi ni Joselito Asiño, amo ng asong si "Serenity" sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Katrina Son.

Mistulang hugis ng buntot ng isda ang ikatlong paa ni Serenity, at maliit din ang butas ng kaniyang puwit.

Ayon kay Asiño, wala pa naman silang nakikitang epekto ng mga karagdagang parte ng katawan kay Serenity. Mas malakas din itong kumain kaysa mga kapatid niya.

Hinala ni Asiño, mayroong parasitic twin si Serenity na posibleng lumalaki sa loob nito. Gayunman, normal naman daw ang tiyan nito.

Nang suriin ng beterinaryong si Dr. Noel Manalo ang tuta, sinabing sensitibo pa ang kalagayan ni Serenity bunga ng kaniyang iba't ibang deformities at murang edad na dalawang linggo pa lang.

"Sa condition ni Serenity, meron siyang tinatawag na Hermaphrodite condition. They both have male and female organs or double sex kung tawagin. At meron din siyang extra numerary feet na, para siyang nag-fuse doon sa buntot niya," sabi ni Dr. Manalo.

"Genetic mutation kung tawagin. Kumbaga gumagalaw ang genetic makeup niya, nagkakaroon ng abnormalities or deformities sa pag-develop ng isang puppy," sabi ni Dr. Manalo.

Dapat din na hintayon pa raw ng ilang buwan kung ano ang magiging epekto ng deformity sa tuta.

Aabot naman sa mahigit P8,000 ang halaga ng operasyon kung ipaaalis ang extra na paa ni Serenity.

"Strict monitoring na lang muna tayo sa ngayon, lalo na 'yung pag-poop niya para hindi malason ang katawan niya sa waste niya. And then sa pag-feed, strict din lalo sa pagpapadede sa nanay," sabi ni Asiño. --FRJ, GMA News