Uso ngayon ang collab sa paggawa ng online content. Pero papaano kung mga kakaibang nilalang ang lumitaw diumano sa video ng ilang tinatawag na "ghost hunter."
Sa programang "Unang Hirit," sinabi ni Jon Pineda, mas kilala sa kanilang vlog na Manila Ghost Explorer, na mga haunted o minumultong lugar ang kaniyang pinupuntahan.
Bata pa lang ay hilig na raw niya ang mga horror movie kaya ito ang naisipan niyang gawing content sa kaniyang vlog.
Sa isa niyang video na kuha sa isang abandonadong eskwelahan, nasapul ng camera ang tila aninong dumaan.
Nakaramdam daw ng takot, kaba at panghihina si Pineda nang sandaling iyon.
Bukod sa abandonadong eskwelahan, may video rin si Pineda na kuha naman sa isang sementeryo sa Taguig.
Sa video, may nahuli-cam naman na tila "transparent" na nilalang na tumawid.
"Parang may humawak sa paa ko na malamig, so parang nag-panic ako that time tumakbo ako. Pagtakbo ko, hindi ko namalayan parang may tumawid na transparent. Ewan ko, para siyang nakapalda," paliwanag ni Pineda.
Samantala, ibinahagi naman ni Jun Rey Villarin, na kilala sa kaniyang Donzkie Gosh TV channel sa Youtube ang video na tila may kakaibang anyo na nahuli-cam sa siwang ng mga kahoy.
Ayon kay Villarin, ang mga viewer lang niya ang unang nakapansin sa imahe na umano'y engkanto.
Ipinasuri ng Unang Hirit sa propesor at paranormal investigator na si Adam Reyes, ang mga kuha nina Pineda at Villarin para alamin kung may kababalaghan nga bang nahuli-cam sa video.
Ayon kay Adam, posibleng gawa lang ng ilaw ang mga nagrehistro sa video ni Pineda, samantalang "pareidolia" naman ang nangyari sa video ni Villarin.
Ang pareidolia ay isang phenomenon na nakagagawa ng imahen ang isip base sa nakikitang hugis na nabuo sa isang bagay.
--FRJ, GMA News