Ilang araw matapos ang madugong sagupuan ng mga rebeldeng komunista at mga pulis, dalawang imahen ang misteryoso umanong rumehistro sa larawan na kinunan sa pinangyarihan ng engkuwentro sa Labo, Camarines Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bicolandia" nitong Lunes, sinabing ang larawan ay kuha ng nagbabantay sa lugar.

Nag-aagaw na umano ang liwanag at dilim nang sandaling iyon bago gumabi nang maisipan niyang kumuha ng larawan sa lugar.

Wala raw ibang tao sa lugar nang kunan ang larawan kaya laking gulat niya nang makita ang dalawang misteryosong imahen.

Ang isa sa mga imahen, tila transparent na anino na natayo, habang ang isa naman ay nakaluhod na tila nagmamasid.

Limang pulis ang nasawi at dalawang iba pa ang nasugatan sa naturang sagupuan noong Marso 19. — FRJ, GMA News