Mismong ang pari na ng Santo Niño chuch sa Calapan, Oriental Mindoro ang nagsabi na may mga bagay talagang mahirap ipaliwanag. Batay kasi ito sa naging karanasan nila nang tumunog ang kampana ng simbahan na mag-isa, na naging dahilan para magising ang mga tao sa isang madaling araw.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing karaniwan daw na pinapatunog ang kampana ng simbahan pagsapit ng 5:00 am para ipaalam sa mga tao ang gaganaping misa.
Pero nitong June 8, alas-kuwatro pa lang nang manggising na ang malakas na batingaw ng kampana na tumagal ng mahigit 10 minuto.
Nasa tuktok ng simbahan ang kampana at pinatutunog sa pamamagitan ng switch na nasa ibaba. Puwede rin naman itong patunugin ng mano-mano pero may taas na 50 talampakan ang kailangang akyatin.
Ngunit nang araw na tumunog ang kampanya ng 4:00 am, walang nagpatunog nito.
Katunayan, naglabas pa ng abiso ang simbahan kinabukasan para humingi ng paumanhin sa mga nabulabog sa tunog ng kampana.
Ayon kina Fr. Arnold Magboo at kaniyang sakristan, ibinaba na nila breaker sa switch ng kampana pero nagpatuloy pa rin ito sa pagtunog. Sarado naman ang daan papunta sa kampanya kaya walang maaaring magpatunog nito nang mano-mano.
Ang electrician na sumuri sa switch ng kampana, wala ring nakitang problema para kusang tumunog ang kampana.
Ang isang hinihinala nilang dahilan ng pagtunog ng kampanya--ang umano'y multo na pinapaniniwalaan na minsan na rin nagpatunog noon sa kampana batay umano sa kuwento ng alkalde. Panoorin ang naturang kuwento sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA News