May naisip na paraan ang isang pari sa lungsod ng Achern sa Baden-Württemberg, Germany upang "makadalo" sa kaniyang misa sa simbahan ang mga tao nang hindi nila nalalabag ang home quarantine at social distancing.
Sa video ng Reuters, makikita si Fr. Joachim Giesler, na nagmimisa nitong Linggo sa harap ng napakaraming larawan na inilagay sa mga upuan ng Parish Church of our Lady.
Napag-alaman na nitong nakaraang mga araw ay hiniling ni Geisler sa mga nagsisimba sa kaniyang parokya na magpadala sila ng kanilang mga larawan na siyang inilagay naman sa mga upuan.
Umabot umano sa 150 larawan ang kanilang na-print at inilagay sa mga upuan habang nagmimisa.
"It was a bit weird in the beginning. Standing at the altar and looking at the empty pews, only with pictures on them. It's hard to imagine how people watch from home if somebody does," sabi ng pari.
"The closeness and personal contact to people are missing, of course. But having heard the feedback in the past two weeks, this is a good alternative for worshippers that truly includes them in the service," patuloy niya.
Sa pamamagitan ng mga larawan, maisasagawa niya ang pagmimisa nang normal habang nanonood ang mga tao sa internet.
Dahil sa banta ng hawahan ng coronavirus, ipinagbabawal muna ang pagtitipon ng mga tao tulad ng pagdaraos ng misa.--Reuters/FRJ, GMA News