Isang babaeng pasahero ang nakitaan ng apat na bala ng baril sa kaniyang bitbit na bag sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing papunta sa Tacloban City, Leyte ang 47-anyos na pasahero.
Nangyari ang insidente noong March 27, 2025 dakong 1:00 pm nang isalang sa X-ray machine ang mga bagahe ng babae.
Nang makita ang hugis na tila mga bala sa bag, nagsagawa ang mga tauhan ng Office of Transportation Security ng pisikal na pagsusuri sa bagahe, na sinaksihan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Unit.
Dito na nakumpirma ang apat na bala na nakalagay sa isang pouch sa hand-carry bag ng pasahero.
Dahil bigo umano ang pasahero na makapagpakita ng dokumento para magdala ng mga bala, inaresto siya sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at paglabag din sa pinapatupad ng gun ban ng Commission on Elections (COMELEC).
Binasahan siya ng sakdal kinabukasan, at inaasahang maglalagak ng piyansa ngayong Lunes.
Sinisikap pang makuhanan ng panig ang naturang pasahero na residente ng Lapu-Lapu City, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News