Sa halip na magdiwang, nagwala umano ang isang nanalong kandidato sa pagka-kapitan ng barangay sa Alaminos City, Pangasinan matapos na maliitan pa sa nakuha niyang mga boto. Kabilang sa mga napag-initan niya, isang lolo na kaniya raw sinapak.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, ipinakita ang isang amateur video na kuha ng isang residente kung saan makikita na inaawat ang umano'y nagwawala at nagbabantang si Salvador Dona, ang nanalong kandidato sa pagka-kapitan ng barangay Landoc.
Lasing daw si Landoc nang mangyari ang insidente ayon sa mga residente.
Kabilang daw sa napag-initan at sinuntok ng kapitan ang 85-anyos na lolo na si Ernesto Pascua.
"Wala naman akong alam na kasalanan. Hindi naman ako lider kung hindi ordinaryong tao ako na botante. 'Di naman ako kandidato eh, bakit niya ako igaganun," hinanakit ni Pascua.
Samantala, kabilang naman daw sa pinagbantaang papatayin ni Landoc ang 65-anyos na lola.
"Minura-mura kami sir. Pinagbantaan ang buhay namin. Nandun ang mga anak ko, narinig lahat nila. Kaya lang 'di namin pinatulan...lasing," sabi ni Revelina Nanasca.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nagalit daw ang kapitan sa mga hindi bumoto sa kaniya dahil maliit lang ang bilang ng botong nakuha niya nitong eleksyon.
"'Yun lang po ang masakit sa kalooban ko, 'yung ginawa niya na ganun at isa pa po lasing siya," sabi ni Rowena Dayad.
Sinikap ng GMA News na kunin ang panig ni Landoc pero wala ito sa kaniyang bahay nang puntahan. Sinubukan din siyang tawagan pero hindi sumasagot.
Sabi ni P/Supt. Orlando Mirando, OIC Alaminos City Police, iimbestigahan pa nila ang nangyari at dapat ireklamo sa tamang lugar ang kapitan.
Ayon naman kay Agnes De Leon, provincial director, DILG-Pangasinan, na maaaring maharap sa kasong administratibo ang kapitan.-- FRJ, GMA News