Karumal-dumal ang sinapit ng isang pitong-taong-gulang na babae na dinukot mula sa kanilang bahay ng kapitbahay sa Butuan City. Ang biktima, ginahasa, pinatay, at inihulog sa balon.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV News nitong Lunes, inihayag ng pulisya na ini-report ng ama ng biktima na nawawala ang kaniyang anak noong madaling ng Sabado, March 15, 2025.
Kinalaunan, natagpuan ang bangkay ng bata sa isang balon na wala nang tubig, isang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.
BASAHIN: 10-anyos na babae, natagpuang patay at hinihinalang ginahasa sa CamSur
Inaresto ang 29-anyos na kapitbahay ng biktima, na sumama pa umano sa mga awtoridad habang hinahanap ang bata. Pero bigla siyang naglaho nang may makitang kasuotan sa pinangyarihan ng krimen na napag-alaman na sa kaniya.
“Yung nawala na kasama sa nagse-search, yun pala tinago niya yung t-shirt at saka siya pala yung may-ari ng ano...," ayon kay Butuan City Police Office (BCPO) Station 4 Chief, Captain Dennis Bon.
Naaresto rin ang suspek at sinabing umamin sa krimen. Sinabi umano nito sa pulisya na galing siya sa inuman nang mapadaan siya sa bahay ng biktima at pumasok.
BASAHIN: Nawawalang turistang Slovak woman, nakitang patay sa Boracay; aalamin kung ginahasa
Natutulog na raw noon ang biktima na kaniyang sinuntok at kinuha palabas ng bahay. Natutulog naman ang ama ng bata sa kabilang kuwarto.
Matapos daw na pagsamantalahan ang bata, itinapon niya ito sa balon. Humihingi siya ng kapatawaran sa kaniyang ginawa.
Ayon kay Bon, isasailalim nila sa drug test ang suspek dahil sa may impormasyon na gumagamit ito ng ilegal na droga.
Isasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para alamin din kung ano ang kaniyang ikinamatay.
Sasampahan ng reklamong rape with homicide ang suspek.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang suspek at pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News