Ikinuwento ni Aleck Bovick sa cooking talk show na "Lutong Bahay" na noong nakaraang taon lang niya napagtanto sa edad na 39 ang kaniyang tunay na gender identity.
Sa naturang programa na host si Mikee Quintos, pinuntahan nila ng kaniyang co-host si Chef Hazel, si Aleck, kasama ang kaibigan nito na dati ring sexy actress na si Allona Amor.
Sa naturang episode, niluto nila ang paborito ni Aleck na sinigang na baboy na may gabi para maging malapot ang sabaw.
Habang pinagsasaluhan nila ang sinigang, inalam ni Mikee kay Aleck ang kuwento sa likod na nahanap na niya ang kaniyang "identity" nang maging 39-anyos na siya.
"Bata pa lang kasi ako meron na 'kong napi-feel, napapansin sa sarili ko pero 'di ko siya pinansin, in-entertain, tuloy-tuloy lang. The way ako kumilos, the way ako pumorma, the way ako magsalita," ayon sa aktres.
Noong nakaraang taon bago siya mag-40-anyos, naramdaman daw niya na parang may kulang sa buhay niya.
"Hindi ko alam ano 'yun, so para kang hinahanap mo, anong mali, parang may kulang, tapos ayun na. 'Yun na," saad niya.
Tinanong ni Mikee si Aleck kung may partner siya ngayon at tumugon naman ng oo ang aktres.
"Yes, nasa LGBT world tayo ngayon," paglalahad niya .
Aminado naman siya na hindi rin naging madali ang pagtanggap niya sa kaniyang sarili noong una.
"Nung una, yes. Totoo ba? Tanda ko na ha, ano na lang sasabihin nila? Paano 'yung ganito, totoo ba 'to, mako-confirm ko ba sa sarili ko? Tapos parang sabi ko, 'Eh kiber. Kung ganito talaga ako, kailangan 'kong tanggapin, kailangan ko siyang i-accept,'" sabi niya.
Sinabi ni Mikee kay Aleck na deserve naman niyang maging masaya.
"You deserve it. I think after everything that you went through, it's about time na kayo naman ang masaya, na ma-feel niyo naman 'yung love na binibigay niyo sa iba," saad ni Mikee.
Sang-ayon naman dito si Aleck na sinabing, "Hindi ka naman selfish kapag pinili mo rin namang mahalin 'yung sarili mo."
Sa isang bahagi ng panayam, sinabi ni Aleck na bukod sa pagiging artista, pinangarap din niya na maging sundalo.
Napapanood ngayon si Aleck bilang guest star sa Kapuso primetime series na "My Ilonggo Girl" na pinagbibidahan ni Jillian Ward. — FRJ, GMA Integrated News