Naaresto ng mga awtoridad sa isang pantalan sa Toledo, Cebu ang suspek sa pagnanakaw sa isang bahay ng Korean national sa Lapu-lapu City noong nakaraang linggo habang brief lang ang suot.

Sa ulat ni Guam Logroño ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing naaresto ang suspek habang pasakay ng barko at patungo na sana sa Negros.

Nitong nakaraang linggo nang mahuli-cam ang suspek na naka-brief at facemask lang sa loob ng bahay ng biktima sa Barangay Maribago habang may pasan na vault.

Natangay ng suspek ang vault na may laman umanong P2 milyon.

 

 

Sa ulat ni Logroño, inamin umano ng suspek ang ginawang pagnanakaw pero P50,000 lang umano ang laman ng vault at hindi P2 milyon.

Inaresto ng mga awtoridad ang pinsan ng suspek na na kasama niya matapos na mahulihan ng baril atmga bala. -- FRJ, GMA Integrated News