Hawak na ng pulisya ang dalawa sa tatlong persons of interest kaugnay sa kaso ng 23-anyos na turistang Slovak na babae na nakitang patay at hinihinalang ginahasa sa Boracay noong nakaraang linggo.

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Randulf Tuaño, na natukoy ang tatlong POI batay sa pahayag ng siyam na saksi.

Idinagdag ng opisyal na ang dalawang POI ay nasangkot na rin sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga noong 2024.

“Sa ngayon officially, dalawa yung nasa police custody ng Police Regional Office 6 bilang opisyal na persons of interest para sa incident na ito,” saad ni Tuaño kaugnay sa sinapit ng biktimang si Michaela Mickova.

Batay din sa report ng isang medical examiner, sinabi ni Tuaño na nagtamo si Mickova ng "blunt force" injury o pagtama ng matigas na bagay sa ulo. May senyales din na pinagsamantalahan ang biktima.

March 10 nang iulat na nawawala ang Michova na nagbabakasyon lang sa Boracay. Dalawang araw makalipas nito, nakita ang kaniyang bangkay sa isang abandonadong kapilya na walang saplot pang-ibaba.

“We will leave no stone unturned until the perpetrators of this heinous crime against Michaela Mickova are brought to justice,” saad ng Police Regional Office 6 (PRO 6) sa isang pahayag noong nakaraang linggo.

Sa isang panayam ng dzBB noong nakaraang linggo, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Mar Joseph Ravelo, hepe ng Malay Police, na masukal at mabundok ang kinaroroonan ng abandonadong kapilya.

Batay umano sa pahayag sa mga naging kaibigan ng biktima, mahilig magpunta ang dayuhan sa mga lumang simbahan.

Dalawang beses na rin siyang nakapunta sa lugar at nakita rin ng mga awtoridad sa CCTV na naglalakad siyang mag-isa lamang.

Inilarawan din ng ilang saksi na palakaibigan ang biktima, ayon kay Ravelo.-- 
mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News