Inaresto sa loob ng police station ang isang ginang dahil sa tangka umanong panunuhol ng P3,000 sa mga pulis sa Caloocan City, para mapalaya ang kaniyang mister na nauna nang dinakip.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita itong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Bagong Barrio Police Station sa nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na unang inaresto ang mister ng ginang dahil sa pagsusugal ng cara y Cruz, at nahulihan pa ng dalawang sachet na hinihinalang may shabu, at tinatayang nagkakahalaga ng P59,000.
Hindi nagbigay ng pahayag ang ginang pero sinabi ng kaniyang mister na posibleng nataranta lang ang kaniyang misis kaya tinangkang tulungan siya ng asawa para makalabas.
Mahaharap sa reklamo tungkol sa illegal gambling at illegal drugs ang mister, habang paglabag sa corruption of public official naman si misis.--FRJ, GMA Integrated News