May mga nakatagong butil ng kayamanang ginto sa isang ilog sa Bulacan na pilit na sisisirin at hahanapin ng isang 66-anyos na lola kahit gaano man ito kaliit. Ang mga butil kasi ng ginto ang makatutulong sa lola para mayroon silang pambili ng bigas o pagkain ng kaniyang mga apo.
Sa dokumentaryo ni Maki Pulido sa "Reporter's Notebook," makikita na maaga pa lang ay bitbit na ni Lola Ligaya Torres ang kaniyang antipara at bilog na kahoy na "dulang" na pangsala ng buhangin, upang pumunta sa ilog.
Ayon kay Lola Ligaya, inaabot sila ng hanggang hapon sa ilog sa paghananap ng butil ng ginto. Kung minsan ay hindi sila pinapalad na makakuha ng munting kayamanan na latak mula sa mga dating nagmimina talaga sa lugar.
Ang sistema, sisisid si Lola Ligaya sa tubig habang suot ang antipara. Papaypayin niya ang mga buhangin sa ilalim upang tingnan kung may maaanig siyang butil ng kinang na palatandaan ng ginto.
Kung minsan, kailangan din niyang buhatin ang malalaking bato upang mas masuring mabuti ang buhangin sa ilalim. Ngunit dahil sa kaniyang edad, hindi na madali para sa kaniya ang sumisid nang matagal at magbuhat nang mabigat.
Gayunman, titiisin at kakayanin niya ang lahat para sa kaniyang mga apo na sumasama na rin sa kaniya sa ilog para maghanap ng ginto.
Kapag may nakitang potensiyal, sasalukin ni Lola Ligaya ang buhangin gamit ang bao o palad para ilagay sa dulang upang salain.
Nang araw na iyon, sa mahigit dalawang oras na pagsisid, pinalad si Lola Ligaya na makakuha ng ga-tuldok na butil ng ginto.
"Natutuwa, naalis ang pagod," saad ni Lola Ligaya sa kaniyang nararamdaman kapag may nakuhang butil ng ginto.
Maingat niya itong inilalagay sa maliit na bote na nakasabit sa kaniyang leeg para ipunin. Ngunit dahil kakapiranggot lang ang butil ng ginto na kanilang naiipon, "per guhit' kung maibenta nila ito sa halagang aabot sa P250.
Ang perang kikitain, ipambibili nila ng bigas, at kung may sosobra, pambili ng tinipay.
Nang araw na iyon, tanging kanin na nilagyan ng tubig at asin ang pinagsaluhan nilang mag-lola upang malamnan ang kanilang tiyan dahil wala silang pambili ng ulam.
Kaya naman hindi napigilan ni Lola Ligaya na maiyak sa tuwa nang may bumili sa naipon niyang ilang piraso ng butil ng ginto sa halagang P1,000 kahit P100 lang ang hiningi niyang presyo dahil kakaunti lang ito.
"Ito ang pagkakasyahin namin mag-lola sa loob ng isang linggo...bigas, kape, asukal, sabon, pagkain," emosyonal niyang pahayag.
Tunghayan ang buong kuwento ni Lola Ligaya, at ano kaya ang mga programa na maaaring maitulong sa kanila ng lokal na pamahalaan. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News