Ano kaya ang 'nilalang' na na-videohan sa loob ng kuweba na may puno ng balete sa Mindoro?
Isang maliit na kuweba na may malaking puno ng balete sa itaas na matatagpuan sa kagubatan ng Boncabong, Oriental Mindoro, ang pinangingilagan ng mga tao dahil umano sa kakaibang nararamdaman kapag dumadaan sa lugar.
Hanggang sa isang araw, isang grupo ng kalalakihan ang dumaan sa kuweba ang nangahas na videohan ang loob nito at nanlaki ang mga mata nila sa kanilang nakita.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng mga residente sa naturang lugar na may iba't ibang paniniwala tungkol sa naturang kuweba. May nagsasabing may ginto umano sa loob nito at may kakaibang "nilalang" na nagbabantay.
Nakadagdag pa sa takot ng mga residente ang malaking puno ng balete na makikita sa itaas ng kuweba, na nasa masukal na lugar.
Ang mga napapadaan umano sa kuweba at sa baleta, nakakaramdam ng kilabot at tila ba may nagmamasid sa kanila.
Ganito rin ang naramdaman ng grupo ni Leinad John Timtiman, nang puntahan nila ang kuwebe.
Dati umanong malaki ang bunganga ng kuweba na kasya na makapasok ang isang adult na tao. Pero sa paglipas ng panahon, napapasok ng lupa ang bunganga nito kapag nagkakaroon ng malakas na ulan hanggang sa unti-unti nang lumiit ang kagusan nito.
Ngayon, bata na lamang ang maaaring makapasok sa bunganga ng kuweba.
Ang grupo ni Leinad, naisipan na ilawan at kunan ng video ang bunganga ng kuweba para masilip ang loob nito.
Ngunit laking gulat nila nang makita nila na may tila dalawang mata na nagniningning mula sa loob ng kuweba at nakamasid sa kanila.
Sa takot, sinubukan pa nilang batuhin kung ano man ang nasa loob ng kuweba. Ngunit makikita sa video na napapikit lang ang tila mga mata pero hindi ito natinig sa kinalalagyan.
Sa takot na rin ng magkakaibigan, walang naglakas ng loob sa kanila na lapitan at silipin ang loob ng kuweba para malaman kung ano o sino ang nasa loob nito.
Isa nga kayang hayop ang mga mata na nakita sa loob ng kuweba, o ito kaya ang sinasabing kakaibang "nilalang" na nagbabantay sa kuweba? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News