Sa mga Chinese restaurant, laging kasama sa mga madalas orderin ang Chinese stye chicken feet. Iyon nga lang, may kamahalan ito para sa ilang piraso ng paa ng manok sa presyong aabot sa P100. Pero ang isang naglalako nito sa kalye, makakabili raw sa halagang P20 lang.
Sa programang "Pera-Paraan," ikinuwento ni Ronaldo Malasmas, may-ari ng ERRM's Dimsum, na 2008 nang magsimula siyang maglako sa kalsada ng Maynila ng Chinese style chicken feet at siomai na nasa cart noong 2008.
Sinimulan niya ang kaniyang negosyo sa puhunan na P800, at nabawi naman niya kaagad sa loob lang ng dalawang araw.
Pero dahil mas kilala ng mga Pinoy ang paa ng manok na inaadobo at iniihaw, kinailangan ni Ronaldo na ipaliwanag sa mga tao na hindi basta-basta, at espesyal ang tinda niyang chicken feet.
Dati siyang nagtrabaho sa isang Chinese restaurant at doon niya nakilala ang kaibigan na dimsum master, na nagturo sa kaniya ng recipe sa paggawa sa paggawa ng Chinese style chicken feet.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Ronaldo sa kaniyang kaibigan dahil naging bahagi ito ng kaniyang hanapbuhay.
Dahil sa tiyaga at magsisikap, tinangkilik ng mga tao ang kaniyang siomai at chicken feet. Kaya ang dati niyang isang foot cart, naging dalawa, at nadagdag pa ng isa sa bawat taon, hanggang sa maging siyam na ngayon.
"Nakatulong kami sa marami naming kamag-anak, pamangkin, kapatid. Kinuha naming vendor, tagabalot ng siomai," pahayag ni Ronaldo.
Kung dati ay limang kilo lang ng paa ng manok ang kanilang niluluto sa isang araw, ngayon ay nasa 20 kilo na.
Ang puhunan nilang P800 noon, kumikita na raw ngayon ng six digits kada buwan. Mayroon na rin silang 15 tauhan na halos mga kamag-anak at kaibigan nila.
Mula sa kita sa siomai at chicken feet, napag-aral ni Ronaldo ang kaniyang mga anak at natutustusan ang pangangailangan ng pamilya.
Dito rin nila kinukuha ang panghulog sa kinuha nilang bahay at sasakyan. May plano na rin silang magbukas ng franchise.
Paano nga ba gawin ang Chinese style na chicken feet? Panoorin ang buong kuwento sa video ng Pera Paraan. -- FRJ, GMA Integrated News