Ikinuwento ni Epy Quizon na agad niyang tinanggap ang "Pulang Araw" matapos niyang malaman ang kaniyang magiging role na katulad ng pinagdaanan ng kaniyang namayapang ama na si Dolphy noong panahon ng mga Hapon.
"How can I say no to a vaudeville actor during World War II. Which [is] kuwento ng tatay ko 'yan sa akin. When I saw it, I am in," sabi ni Epy sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes
Ginagampanan ni Epy ang role ni Julio Borromeo na vaudeville actor, na asawa ni Carmela, na ginagampanan naman ni Angelu de Leon.
Inihayag din ni Epy na nakakaramdam siya ng takot na maikompara sa kaniyang ama na si Dolphy na bukod sa mahusay na aktor ay mahusay ding magsayaw.
"Nakakatakot kasi alam kong ikokompara ako sa tatay ko. Ngayon pa lang sinasabi ko sa inyo, huwag ninyo akong ikompara, napakagaling no'n," pakiusap niya.
At nang tanungin kung ano ang isa sa mga hindi niya makakalimutang aral mula sa kaniyang ama, sabi ni Epy, "'Yung paa sa lupa nakapako. So, kapag naramdaman mong lumilipad ka na, siguraduhin mong nakapako ang paa mo sa lupa."
Ayon din kay Epy, balak na sana niyang magpahinga muna sa pag-arte ngunit hindi niya matatanggihan ang kaniyang role sa "Pulang Araw" na kuwento tungkol sa panahon ng pananakop ng mga Hapon.
Sinabi ng aktor ang kahalagahan ng "Pulang Araw" para maipaalala ang mga pinagdaanan noon ng mga Pilipino.
"We have to look back to our past for us to move forward. Pulang Araw shows a glimpse of history of what happened pre-war and during the war," saad niya.
Idinagdag naman ni Angelu na magpapaalala ang "Pulang Araw" sa ginawang sakripisyo ng ating mga ninuno.
"It's time for us to be proud as Filipinos kasi hindi madali yung pinagdaanan ng mga ninuno natin.We have to pay tribute to them, malaki yung ambag nila sa kalayaan natin ngayo," ayon sa aktres.
Kasama sa "Pulang Araw" sina Alden Richards, Barbie Forteza, David Licauco, Sanya Lopez, at si Dennis Trillo, na labis na hinangaan ni Epy ang pagganap sa role na isang sundalong Hapon na si Colonel Yuta Saitoh.-- FRJ, GMA Integrated News