Mistulang nauwi sa standoff sa gitna ng kalsada sa Pasig ang dalawang sasakyan nang magmatigas ang isang rider na tinawag na "kamote" ng kaniyang nakasalubong na motorista.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na kuha ng motoristang si William Carlos, habang may rider na nakatigil sa harap ng kaniyang sasakyan.

Makikita sa video na mabigat ang daloy ng trapiko sa linya ng kalsada kung saan galing ang rider. Kaya naman nag-counterflow ito at nakasalubong ang sasakyan ni Carlos.

Pero sa halip na bumalik sa kaniyang tamang linya ang rider, tila nakipagmatigasan siya kay Carlos na sinisenyasan niya na lumihis ng direksyon.

Tumitingin pa ang rider sa kaniyang relo na tila ipinapahiwatig niya na handa siyang magtagal sa kaniyang kinapupuwestuhan.

"Ikaw na nga ang mali ikaw pa ang galit, tumabi ka na lang," madidinig sa video ni Carlos patungkol sa rider.

Ipinakita rin ni Carlos na "double solid" ang guhit sa pagitan ng magkabilang bahagi ng kalsada na indikasyon na bawal ang counterflow.

Ayon kay Carlos, tumabi rin naman kalaunan ang rider pero hinampas daw nito ang kaniyang sideview mirror.

Hindi naitago ni Carlos ang pagkadismaya dahil may mga tao na hindi kayang sumunod sa mga simpleng patakaran.

Umaani ng magkakaibang reaksyon mula sa netizens ang video ni Carlos. May naghikayat din sa sampahan ng reklamo ang rider.

Bukas naman ang GMA Integrated News kung nais ng rider na magbigay ng kaniyang panig.-- FRJ, GMA Integrated News