Taong 2016 nang maibalita ang insidenteng nahuli-cam sa CCTV camera nang tagain sa likod ng isang lalaki gamit ang itak ang nakaalitan niyang lalaki. Pero ang eksena ng karahasan, naging pampakalma nang isiwalat ng nanaga na ginaya niya si "Battousai" at baliktad ang talim ng itak nang itaga niya sa likod ng kaaway.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," natunton ang lalaking nanaga sa video sa Morong, Rizal, na si Valentino Abiertas, na niyakap na ang naging bansag sa kaniya ng mga netizen bilang si "Pinoy Battousai."

Idolo raw niya talaga si Battousai na binabaliktad ang talim ng samurai para hindi siya makapaslang.

Kaya nang mangyari ang insidente noong 2016, binaliktad din niya ang talim ng kaniyang itak para hindi masugatan ang kaniyang nakaalitan na nakilalang si Cris Bautista, na kaniya palang kaibigan at kumpare pa man din.

"Sabay kaming kumakain. Kung saan siya pumupunta magkasama kami, ninong ng anak kong lalaki," ayon kay Valentino.

Nang araw na mag-away sila, may nagsumbong daw sa kaniya na minura ni Cris ang kaniyang asawa.

Kaya pinuntahan niya ang dating kaibigan para komprontahin hanggang sa mangyari na ang iconic na pangyayari na pagtaga niya na ala-Battousai.

Aminado naman si Valentino na mali ang kaniyang ginawa at naging masamang ehemplo siya nang araw na iyon.

Ang suot niyang damit noon, ginawa niyang display sa kanilang bahay.

Habang ang kaniyang itak, dinala niya sa Pinoy Pawnstar na pag-aari ng kolektor na si Boy Toyo.

Naalala naman ni Boy Toyo ang insidenteng kinasangkutan noon ni Valentino, at tanda niya ang naging bansag dito bilang si Battousai.

Nang tanungin si Valentino kung magkaano niya ibinebenta ang kaniyang itak, binanggit niya ang halagang P30,000.

Hanggang sa ibaba niya ang presyo sa P25,000, at umabot ang tawaran sa P17,000, bago sila nagsara sa P16,000.

Ayon kay Valentino, wala siyang pera kaya ibinenta niya ang itak. Inaasahan din niyang makakasama ito sa mga itatampok sa itatayong museum ni Boss Tayo.

Samantala, napag-alaman naman na magkalugar pa rin sina Valentino at ang nakaalitan niyang si Cris.

Kumusta na kaya ang samahan ng dating magkaibigan at magkumpare? Alamin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News